Duwende

HINDI ako naniniwala sa duwende. Ang alam ko ay fairytale lamang iyon. Nilikha lang sila ng mga manunulat sa Europe bilang bahagi ng kanilang folklore ilang daang taon na ang nakakaraan. Ang daigdig ng mga duwende ay nasa kabilang dimensiyon kung saan may sarili silang sibilisasyon. Pagkalipas ng maraming taon, ang duwende ay nabihisan ng makabagong pananaw. Lumalabas na mas mataas ang level ng kanilang “katauhan” kaysa “katauhan” ng mga tao. Halimbawa, ang mga duwende ay may kapagyarihang magbigay ng kayamanan sa mababait na tao ngunit may special power din na saktan ang sangkatauhan kapag ginawan sila ng kalokohan. Lahat sila ay may psychic power at kayang maging invisible.

Ang fairytales na ito ang nagtulak sa akin para pilitin ko ang aking sarili na magbasa sa sarili nating wika at sa Ingles. Pinagsikapan kong mag-aral magbasa ng Ingles na libro dahil ang magagandang fairytales tungkol sa mga duwende ay sa Ingles na libro lang nababasa.

Nagsimula akong magkaroon ng pagdududa kung fairytale lang ba o may katotohanan ang tungkol sa mga duwende noong nakausap ko ang batang “kinidnap” daw ng duwende. Ang bata ay si Cholo, 8 taong gulang nang panahong iyon, anak  ng aming kapitbahay sa probinsiya. Isang hapon ay hindi na umuwi si Cholo mula sa pampublikong paaralan kung saan ako nagtapos. Nagtanong-tanong ang kanyang ina sa mga kaklase kung ano ang ginawa ni Cholo sa school nang maghapong iyon bago mawala.

Ito ang nagkakaisang kuwento ng mga kaklase ni Cholo bago sila mag-uwian sa bahay nang hapong iyon: Naglalaro sila sa paligid ng Home Economics Building. Sa hindi malamang dahilan, nakita nilang pumasok si Cholo sa silong ng H.E. Building kung saan alam ng lahat ng estudyante na hindi dapat pumunta doon dahil may malaking nuno sa punso. Ang  sahig ng H.E. Building ay nakaangat sa lupa ng 3-4 feet kaya madaling pasukin ang silong nito. Ang “nuno sa punso”  ay may taas na higit-kumulang ng 2 feet. Pinaniniwalaan ng marami na iyon ang “entrance” patungo sa daigdig ng mga duwende. Natatandaan ko ay sinisilip namin ang punso habang naghaharutan at nagtatakutan. Tapos biglang may sisigaw ng—Hala, may duwendeng lumabas sa punso! Magtitilian ang mahaharot kong kaklase at magsisimulang magkaskasan nang takbo. Noon, ang alam ko’y imahinasyon lang namin na may lumalabas na duwende sa punso pero si Cholo ang nagsabi sa akin...totoo pong may duwende roon! (Itutuloy)

 

Show comments