Nakakaalarma ang sunud-sunod na insidente ng pagdukot sa mga paslit sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila at karatig lalawigan.
May ilan na natatagpuan, pero ang masakit yung iba wala nang anumang balita pa.
Kamakalawa lamang natagpuan sa Quezon City ang 5-anyos na batang babae na sinasabing nawala makaraang kunin ng hindi nakikilalang suspect sa Blumentritt sa Maynila noong Sabado.
Ang biktima ay kasama ng kanyang ina na dumalo sa isang party sa barangay. Nalingat lang ang ina eh nawala na sa kanyang tabi ang anak.
Sa kuha ng CCTV na nakakabit malapit sa barangay nakita ang paslit na kinakausap ng isang lalaki na may dala pang inumin na inaalok pa sa bata.
Malamang dito na nagsimula ang pagkawala ng paslit.
Natagpuan naman ang biktima Lunes na ng gabi sa may Batasan Hills sa Quezon City.
Sinasabing ibinaba ang bata ng isang tricycle driver sa lugar at saka iniwan. Isang vendor ang nagmagandang loob na dinala ang bata sa barangay.
Noon namang Lunes, isang 15-anyos na binatilyo ang dinakip din sa lungsod Quezon matapos na mabuko habang kasama nito ang isang 2-anyos na paslit na sinasabing nawala rin sa Quiapo, Maynila.
Dito naman isang concerned citizen ang nakahalata sa binatilyo na hindi siya kilala o kaanu-ano ng batang kasama, dahil sa iyak nang iyak ang paslit.
Malaki ang hinala ng pulisya na ginamit ng sindikato ang binatilyo sa kanilang operasyon sa pagkidnap.
Hindi nga ba’t noong nakalipas na Disyembre lamang isang batang lalaki din ang dinukot sa Sampaloc, Maynila at natagpuang namamalimos sa Antipolo City.
Nakakabahala ang ganitong mga insidente, dahil walang muwang na mga bata ang tinatarget ng sindikato para gamitin sa kanilang operasyon.
May ilan namang ibinebenta ang mga kinukuhang paslit sa mga mayayamang kliyente.
Dapat itong mapagtuunan nang pansin ng mga kinauukulan at matukoy ang grupong ito na mga bata ang siyang ikinakalakal.
Hindi lamang mga pulis ang dapat na tumututok dito kundi maging mga local officials at pati na rin ang DSWD.