MASAMA ang naging bunga ng stand-off ng mga tagasunod ni Sultan Jamalul Kiram III sa Sabah. Naging marahas ang Malaysian police at walang awang pinagdadampot ang mga Pinoy na illegal na naroroon. Naghigpit sila mula nang magkaroon ng labanan kung saan ay marami nang namatay. Sa kabila na marami nang nalagas sa Royal Army ng Sultan ng Sulu, hindi pa sumusuko ang mga ito. Gayunman, humingi sila ng tulong sa United Nation para sa ceasefire. NaninÂdigan naman ang Malaysia na nararapat sumuko nang walang kondisyon ang mga tagasunod ng Sultan.
Ang naging kawawa ay ang mga Pinoy na tahimik na naninirahan sa Sabah sapagkat sapilitang pinapapasok ng Malaysian police at military ang kanilang mga bahay para sa crackdown. Ayon sa mga Pinoy na dumating sa Tawi-Tawi noong Sabado, sapilitan silang pinalalabas sa bahay at iniipon ang mga kababaihan at kalalakihan. Marahas ang ginagawa sa mga lalaki sapagkat sinisipa, ginugulpi at ang iba ay pinatatakbo at saka babarilin. Ayon pa sa ibang tumakas sa Sabah, dahil sa crackdown sa kanilang mga bahay, marami sa kanilang mga anak ang nahulog sa kanilang bahay at bumagsak sa tubig. Ang mga bahay ng Pinoy sa Sabah ay karaniwang nakatirik sa baybay dagat. At balewala umano sa mga Malaysian police at military kahit na may mangyaring masama sa mga bata at kababaihan. Masyadong malupit ang Malaysian authorities.
Nalantad ang malaking problema ng mga Pinoy na nasa Sabah. Nagtungo sila roon para takasan ang kahirapan sa Pilipinas pero mas matindi pa pala ang kanilang mararanasan. Pagmamaltrato ang kanilang nalasap. Sila ang ginagantihan dahil sa stand-off na ginawa ng Royal Army.
Ngayong dagsa na uli sila pabalik, nararapat nang magkaroon ng programa ang gobyerno sa baÂhaging iyon ng Mindanao. Kailangang mabigyan ng mapagkakakitaan ang mga kawawang minaltrato at inapi sa Malaysia. Kung mayroon silang hanapbuhay, hindi na nila kailangang tumawid sa Sabah para doon magpakamatay.