Hindi kanais-nais ang amoy ng hininga

MARAMING kababayan natin ang nagrereklamo na hindi kanais-nais ang amoy ng kanilang hininga. Nako-conscious tuloy sila na baka mayroon na silang halitosis, ang medical term para sa bad breath.

Saan ba nanggagaling ang hindi kanais-nais na hininga?

Ang ating bibig mismo ang maaaring pinanggagalingan ng di-kanais-nais na hininga. Kung may tinga o iba pang food particles na nakaipit sa ngipin, ito ang ma­aaring sanhi ng bad breath.

Ang panunuyo ng bibig ay sanhi rin ng bad breath. Pansinin na sa umaga, pagkagising natin, ang una nating ginagawa ay magmumog o magsipilyo. Ito ay sapagkat sa magdamag na natutulog tayo, nanunuyo ang ating bibig. Puwede ring dahil sa ininom na gamot o paninigarilyo ang panunuyo ng bibig. Kapag natutulog tayo o naninigarilyo, naiipon ang dead cells sa ating dila, gilagid, at loob ng pisngi. Nagbubunga ito ng di kanais-nais na amoy.

May mga pagkaing nakapagpapabaho ng hininga. Nagtataglay kasi ang mga pagkaing ito ng “volative oils” na may matapang na amoy gaya ng sibuyas at bawang. May mga gulay din at spices na ganun ang dulot sa hininga. Ang mga pagkaing ganito, matapos ma-absorb ng ating katawan, ay tutungo sa sirkulasyon ng ating dugo at mauuwi sa baga. Dito ay naibubuga na ito sa ating hininga. Ganito rin ang kaso ng mga umiinom ng alak. Kaya nga ginagawa ang “breath test” upang masuri ang level ng alcohol sa dugo.

Kung may sakit sa baga, posibleng magbigay-daan ito sa pagkakaroon ng bad breath. Mabuti ring ipasuri ang baga lalo na kung may chronic infection na nangyayari sa baga. Ganundin ang epekto kung may sakit sa atay at kidney. 

Kung may pagbabago ring nangyayari sa loob ng sikmura, posibleng magkaroon ng mabahong hininga bunga ng pagkaburo ng mga laman ng sikmura. Kapag dumighay, lalong maaamoy ang di kanais-nais na hininga. Ang kondisyon na “gastroesophageal reflux” kung saan bumabalik sa bibig ang pagkaing bumaba na sa sikmura ay puwede ring sanhi.

Paano malulunasan ang halitosis? 1) Magsipilyo ng ngipin tuwing matatapos kumain; 2) Sipilyuhin din ang dila upang matanggal ang dead cells. Kung madaling masuka, iwasang isaksak ang sipilyo sa pinakaloob ng dila; 3) Mag-dental floss para matanggal ang mga tinga; 4) Uminom nang maraming tubig para laging mamasa-masa ang bibig; 5) Iwasang uminom nang maraming kape, alak, o softdrinks; 6) Umiwas sa mga pagkaing malalakas ang amoy; 7) Magmumog matapos gumamit ng inhalers; 8) Palitan ang inyong toothbrush kada ikatlo o ikaapat na linggo.

 

Show comments