EDITORYAL - Kuwidaw, mga kandidato sa graduation rites

PABORITONG imbitahin ng mga eskuwelahan kapag graduation ang mga pulitiko. Basta panahon ng commencement exercises, madalas ay pulitiko ang guest speaker. At ngayong malapit na ang graduation, tiyak na nakalinya na ang mga magsasalitang kandidato sa graduation rites. Sasamantalahin naman ito ng mga kandidato sapagkat malaking pagkakataon para makapangampanya nang libre. Kahit pa bawal ang mangampanya sa publikong lugar, hindi na ito susundin ng kandidato. Kahit pasimple, magbibitiw sila ng pananalita na mag-aangat sa kanilang sarili. Para ano pa at naroon sila kaya dapat huwag sayangin ang pagkakataon.

Pero nagbabala ang Comelec na ang eskuwela­han ang mananagot kapag ang kinuha nilang speaker ay kandidato at harap-harapang manga­ngampanya. Ganunman, sinabi ng Comelec na iniisip pa nila kung anong penalty ang ii-imposed sa mga may-ari ng school at opisyales nito. Pinaalala rin ng Comelec na ang bisinidad ng mga school ay hindi dapat dikitan o kabitan ng mga election campaign materials. Bawal ang posters­ na idikit sa pader ng school. Bawal ang streamers at banners na isabit sa punongkahoy. Paano kaya ang streamer na magwe-welcome sa kandidatong guest speaker na kadalasang nasa gate ng school? Payagan kaya ito ng Comelec? Ayon sa Comelec mahigpit na ipinagbabawal sa mga kandidato ang paglalagay ng kanilang campaign posters sa lahat nang publikong lugar.

Sana nga ay masunod ang nakasaad sa Fair Election­ Act at sana rin ay maging masigasig ang Comelec para masubaybayan  ang mga kandidatong lumalabag sa batas. Naniniwala kami na maraming kandidato ang binabalewala ang kautusan. Unang-una na ang pagdi­display ng kanilang streamers na malalaki ang sukat at inilalagay sa mga publikong lugar.

Maging maingat ang school officials sa pagkuha ng speaker na kandidato. Nga­yong nagpaalala na ang Comelec na mananagot ang school officials, dapat mag-isip sila. Sana magkaroon din naman ng delikadesa ang mga kandidatong iimbitahin. Tanggihan nila ang anyaya.

 

Show comments