EDITORYAL - Oversized tarpaulin baka gayahin

MAAARING lumaki ang problema ng Commission on Elections (Comelec) ukol sa size ng mga propaganda materials ng mga kandidato. Maaaring gayahin ang oversized tarpaulin na inilagay ng Diocese of Bacolod sa kanilang cathedral. Inilagay ng Diocese ang malaking tarpaulin na may listahan ng mga kandidato na pumabor at hindi pumabor sa Reproductive Health Bill (RH Bill) na isinabatas noong nakaraang taon. Tinawag ng Diocese na “Team Patay/Team Buhay­” ang kanilang ikinabit na tarpaulin.

Agad namang kumilos ang Comelec at iniutos sa Diocese na tanggalin ang tarpaulin sapagkat lumabag ito sa regulasyon ukol sa tamang size ng election materials. Masyadong malaki ang tarpaulin at nararapat na sumunod sa batas. Pero tumanggi ang Diocese ng Bacolod sapagkat karapatan umano ng Simbahan na ipahayag ang kanilang mga saloobin. Nilalabag daw ng Comelec ang separation ng estado at Simbahan. Nagsampa ng petisyon ang Bacolod bishop sa Supreme Court para ideklarang unconstitutional ang utos ng Comelec. Naghain din siya ng temporary restraining order (TRO) para pigilan ang Comelec sa kanilang balak na pagtanggal sa tarpaulin.

Pinayagan ng Supreme Court ang kahilingan ng Diocese sa TRO. Natuwa ang Simbahan sa aksiyon ng SC. Sinabi naman ng bishop ng Bacolod na maglalagay din sila ng tarpaulin ng “Team Patay/Team Buhay” sa iba pang simbahan para malaman ng publiko.

Tama naman ang hakbang ng Comelec sa pagkuwestiyon sa oversized tarpaulin na inilagay sa Cathedral­ pero dapat ay hiniling muna nila sa Diocese na bawasan ang size. Pero ang gusto ng Comelec ay agarang tanggalin ang tarpaulin bagay na tinutulan ng namumuno sa Diocese. Ngayong pinanigan ng SC ang Diocese na manatili ang oversized tarpaulin, lalong lumaki ang problema sapagkat maglalagay sa iba pang simbahan.  Problema rin kapag ginaya ito ng iba pang kandidato. Baka lakihan din ang kanilang propaganda materials.

Show comments