Lampong (223)

KINABAHAN si Tina kung bakit hindi sumasagot si Dick. Baka kaya wala sa kuwarto si Dick. Baka hindi rito tumuloy kagabi.

Pumasok siya sa loob. Binuksan ang ilaw. Lumi­wanag. Pero walang tao.

“Sir Dick! Sir Dick!”

Hanggang sa may ku­milos sa ilalim ng kama. Sumilip si Tina sa ilalim.

“Sir Dick!”

Saka lamang kumilos si Dick para lumabas.

“Umalis na po si Mam Jinky. Mamamalengke po siya. Halika po sa kusina at kumain ka. Alam kong gutom na gutom ka.”

“Oo nga Tina. Mahapdi na ang sikmura ko.”

“Ba’t ka po nagtago, Sir Dick?”

“Kasi’y nakita ko ang paglapit ni Jinky sa kuwarto. Pupunta siya rito kaya sa katarantahan ko, pumasok ako sa ilalim ng kama. Akala ko nga, siya na ang pumasok, ikaw pala.”

Nagtawa si Tina.

“Kasi po’y may kukunin ditong mga empty bottle na gagawing ilawang de langis.”

“Para saan naman ang mga ilawan?”

Ikinuwento ni Tina ang problema sa itikan.

“Ah ganoon pala. Kaya pala ang tingin ko kay Jinky ay problemado.”

“Opo. Kasi’y ilang itik na ang namamatay.”

“At baka bumili rin siya ng baril?”

“Opo. Marunong palang bumaril si Mam Jinky.”

Napatango na lang si Dick.

Pagkaraan ay nagyaya na si Dick para kumain. Mahapdi na ang kanyang tiyan.

Nagtungo sila sa kusina. Naghanda ng pagkain si Tina. Sinangag na kanin. Pritong itlog ng itik. Nilagang itlog ng itik at tuyong isda. Nagtimpla ng kapeng barako si Tina. Umuusok.

Takam na takam si Dick. Ibang klaseng gutom ang naramdaman niya.

Pagkatapos kumain, nagkuwentuhan pa sila ni Tina. Nasabi ni Dick na parang gusto na niyang lumantad. Sabik na siya kay Jinky.

“Huwag muna Sir Dick. Sorpresahin mo na si Mam Jinky. Sige na. Naumpisahan mo na rin lang. Gusto ko malaman ang ending ng story n’yo.”

“Ikaw talaga, Tina.”

“Sige na, Sir Dick. Akong bahala sa pagtatago mo. Hindi ka mabubuking.”

“Sige na nga.”

“Yehey!”

(Itutuloy)

 

Show comments