Suweldo

NOONG ako ay nagtatrabaho pa sa isang malaki at mayamang kompanya, minsan ay pinakiusapan ako ng aking boss na mag-overtime sa last minute. Last minute ang ginamit kong salita dahil biglaan, sinabihan ako kung kailan oras na ng uwian. Ang karakarakang request ng aking boss ay nagbigay sa akin ng problema. Noong panahong iyon ay mayayaman lang ang may cellphone na kasinglaki ng sapatos. Wala kaming landline telephone sa bahay dahil ang pangarap na magkatelepono noon ay katumbas ng pangarap na manalo ka sana ng jackpot sa lotto. Ang mister ko ay nasa abroad. Wala sanang problema kung dito siya sa Pilipinas nagtatrabaho dahil sa kanyang opisina lang ako tatawag at magpapaalam.

Ang isa pang problema kapag ako ay may overtime, sa opisina na lang ako natutulog dahil delikado nang umuwi. Kailangang malaman ng nanay ko na may overtime ako dahil kung hindi, ninerbyusin ito at hindi na makakatulog sa buong magdamag sa sobrang pag-aalala sa hindi ko pag-uwi. Ipinaliwanag ko ang mga bagay na ito sa aking boss pero naramdaman ko na mas nangibabaw sa kanya ang tampo dahil sa pagsuway ko sa kanyang request.

Sa kompanyang iyon, nagbibigay sila sa mga supervisors (posisyon ko) ng merit increase. Ito yung dagdag na suweldo bilang reward sa good performance. Bago magbigayan ng merit increase, ilang projects ang natapos ko with flying colors. Ilan sa mga ito ay ginagamit pa rin ng kompanya sa kasalukuyan at wagas na wagas na ibinebenta sa market. Dumating ang araw na isa-isa kaming tinawag sa office ng Executive Vice President para ibalita kung ilang porsiyento ang idinagdag sa  aming suweldo. Ilang segundo rin akong nabingi at natulala nang sabihin sa aking hindi nila ako binigyan ng merit increase. Zero. Olats. Alaws. Nang bumalik ang aking katinuan ay inisa-isa ko ang mga projects na nagawa ko sa pag-asang baka lang sila nagkamali. Yes alam daw nila ang lahat ng aking accomplishments. Hindi na raw  ako binigyan ng increase dahil lalampas na ang aking sinusuweldo sa standard na sinusuweldo ng isang nasa supervisory position. Ang aking boss na nag-request ng overtime ang nagbibigay ng recommendation kung ilang percent ang dapat ibigay sa amin. Na-zero ako dahil sa minsan kong pagtanggi na mag-overtime. Pinersonal ako ni Mam Bosing.

Ang sabi ko sa aming EVP: Kung ganyan pala ang policy nila, huwag na silang mag­bigay ng merit increase at sayang lang ang pagsisikap ng mga supervisors. Itinanong ko rin kung bakit nila isinasama sa kuwenta ang aking merit increase sa regular na suweldo ko? Pero wala rin nangyari sa aking protesta. Pagkaraan ng isang buwan ay nag-resign ako. Sagad na pala ang suweldo ko, ano pa ang gagawin ko sa kompanyang yun? Sagad na rin ang pa­sensiya ko.

Show comments