Editoryal - Parusahan nang mabigat jail guards na nagpatakas ng bilanggo

HANGGANG ngayon, isang linggo na ang nakalilipas, hindi pa nadadakip ang tatlong drug traffickers na inagaw ng 20 armadong lalaki sa Trece Martires City, Cavite habang patungo sa court hearing. Malaki ang posibilidad na nakalabas na ng bansa sina Jackson Dy (Li Lan Yan), kanyang asawa na si Wang Li Na at si Li Tian Hua. Walang report mula sa Cavite PNP kung nasaan na ang tatlong drug traffickers. Wala ring report mula sa Natonal Bureau of Investigation  at maging sa Bureau of Immigration. Nangangapa ang mga awtoridad sa tatlong drug traffickers.

Ang pangyayari ang naging daan para ipag-utos ni Justice Sec. Leila de Lima na ilipat sa kanyang tanggapan ang mga high profile drug cases mula sa local fiscals. Ito ay para maiwasan na ang nangyaring pagkakatakas ng tatlong Chinese drug traffickers.

At nananawagan din si De Lima sa Kongreso na amyendahan ang Revised Penal Code na nagpapataw ng mabigat na parusa sa mga jail guard na mapapatunayang kinasabwat ng mga bilanggo para makatakas. Ayon kay De Lima, nararapat nang mabago ang batas sapagkat sunud-sunod na ang mga nangyayaring pagtakas ng mga bilanggo habang nasa custody ng jail guards.

Ayon sa report, ang tatlong jail guards na kasama nina Jackson Dy ay wala man lang nagawa nang agawin sa kanila ang mga bilanggo. Kinukuwestiyon din kung bakit maiikling baril ang dala ng tatlong jail guards. Malaki ang hinala na kasabwat ang tatlong guards kaya nakatakas ang tatlong drug traffickers. Umano’y P140,000 ang ibinayad para maitakas ang tatlo.

Panahon na para maparusahan ang mga jail guard na bantay-salakay.

Show comments