UMAABOT sa 16,000 nursing graduates ang kumuha ng board exam noong nakaraang Disyembre 2012 at madadagdag sila sa marami pang nurses na walang trabaho sa kasalukuyan. Sa Marso ay marami pang magtatapos ng nursing at kukuha rin ng board exam. At maging sila ay mapapasama sa napakaraming nurses na walang hanapbuhay.
Sobra sa dami ang nurses sa bansa at wala namang kakayahan ang pamahalaan na mabigyan sila ng trabaho. Kaya ang apat na taong pag-aaral ng nursing ay nawawalan ng silbi sapagkat wala namang makuhang trabaho pagka-graduate o pagkapasa sa board exam. Kahit ang mga kasama sa top 10 ng nursing board exam at nagtapos sa pangunahing unibersidad ay hindi rin makakuha agad ng trabaho. At paano na lamang ang mga nag-aral sa mga unibersidad na hindi kilala? Sayang lang ang panahon at gastos sa pag-aaral ng nursing.
Ang ganitong sitwasyon ay nagbibigay pangamba sa Department of Labor and Employment (DOLE). Inamin ng DOLE na mahirap talagang makahanap ng trabaho ang mga nurses sa kasalukuyan. Maski sa ibang bansa gaya ng US, Canada, Australia, United Kingdom ay walang hiring para sa mga Pinay nurses. Kaya pinag-iingat ng DOLE ang mga nag-aaplay ng nurses sa mga nabanggit na bansa at baka sila malinlang ng recruiters. Marami umanong lumalabas na report na nagtatanggapan ng nurses sa mga nabanggit na bansa.
Ipinayo ng DOLE na dapat maghanap ng alternatibong trabaho ang mga nurses kaysa maghintay sa inaaplayan ospital o medical facilities. Kabilang umano sa mga trabahong nababagay sa unemployed nurses ay medical transcriptionists, billers at health care secretaries. Malaki rin umano ang suweldo ng mga nabanggit na trabaho.
Nararapat namang makontrol ang mga unibersidad na nag-ooffer ng nursing sa bansa. Maraming nursing school na pa-graduate nang pag-graduate ng kanilang students pero wala namang tiyak na magandang kinabukasan sapagkat walang makuhang trabaho. Nagsasayang lang ng oras at pera. Panahon na para pag-isipan ang sitwasyong ito.