MINSAN ay nadaanan naming mag-asawa ang binatilyong kilalang-kilala namin. Nagpakulay ito ng buhok. Kakulay ng buhok ng mais. Palibhasa ay tambay at may impresyon kaming hindi maganda sa batang iyon, nagmukha siyang adik sa bago niyang “lookâ€.
Ito ’yung batang naikuwento ko na “mahigpit†na sumubaybay sa akin noong ako ay na-stroke. Para siyang isang stalker na sa tuwing lalabas ako ng bahay noon ay pinagmamasdan niyang mabuti ang aking mukha (kung natabingi) o ang aking mga paa (kung napilay). Siya ang nagsisilbing reporter ng kanyang ina at lolang nuknukan ng tsismosa. Wala kasi silang makuhanan ng report. Ispekulasyon lang at daw lang ang mga naririnig nila tungkol sa nangyari sa akin. Kaya uhaw na uhaw ang mababait kong kapitbahay kung anong tsismis tungkol sa akin ang dapat halukayin. Alam n’yo bang dumating sa puntong hinabol pa ako ng batang iyon para lamang silipin ang aking mukha? Gusto niya akong maabutan bago makasakay sa kotse para wagas na wagas niyang masulyapan kung may masamang pagbabagong nangyari sa aking mukha kagaya ng pagkatabingi. Ang level ng kasikatan ko noon sa mga tsismosa ng aming sosyal-sosyalang neighbourhood ay level ng kasikatan ngayon nina Kim Chiu at Maja Salvador sa mga tsismosa ng showbiz. Nagka-phobia tuloy ako ngayon na bumati sa mga bagong saltang kapitbahay. Laging may bagong tenant sa paupahang bahay malapit sa amin. Dati ay palangiti ako sa mga bagong kapitbahay. Hindi na ako ang Miss Friendship ngayon.
Balik tayo doon sa batang tsismoso na binatilyo na ngayon at mukhang adik. Nagkawatak-watak na ang pamilya ng batang ito. Magkasunod na namatay ang ina at lolang tsismosa. Ito ang kamatayang hindi ko ikinalungkot. Biruin mo, dalawang matatabil na bunganga ang titigil sa paglikha ng mga tsismis na pumuperwisyo sa mga nanahimik na tao. Kasunod noon ay naghiwa-hiwalay na ang mag-aama dahil ibinenta na ang bahay. Hindi na kasi makabayad sa monthly amortization. Pagkatapos paghatian ang napagbentahan, nagkanya-kanya na ng landas ang mag-aama. Buong mag-anak kasi ay tsismoso at tsismosa. Isama pa ang hanapbuhay nilang 5/6. Hayan tuloy… kinarma.