DAGSA na naman ang mga turista, Pinoy man o dayuhan ngayong panahon ng Summer sa mga kilalang pasyalan, resort at iba pang mga kilalang bakasyunan sa Pilipinas. Kaya naman kasalukuyan nang pinagpaplanuhan ng Department of Tourism ang pagsasakatuparan ng sistema ng paggagrado sa mga hotels at resorts sa bansa.
Gagawin ito upang maklasipika ang serbisyong alok ng mga hotel at resort na dinarayo ng mga turista ayon sa pandaigdigang pamantayan.
Subalit sa pananaw ng ilan, kuwestiyonable ang sistemang iminumungkahi ng mga opisyal ng DOT lalo na’t nababahiran ito ngayon ng pamumulitika at panunuhol sa pagitan ng evaluator at may-ari ng mga hotel at resort. Ang ganitong panuntunan ay maaaring makaapekto sa tunay na antas ng serbisyong maiaalok ng minamarkahang establisyimento. Maliban dito, walang kapabilidad ang mga evaluators sa pagsasagawa ng paggagrado sa mga hotel at resort dahil kahit na graduate pa ang mga ito ng turismo, wala sa kanilang may malawak na karanasan sa mga serbisyong alok ng mga hotel at resort na may pandaigdigang pamantayan.
Nababahala ang mga may-ari ng hotel at resort na imbis makatulong ay maging sanhi pa ng pagkalito hanggang sa tuluyang pagbagsak ng turismo sa bansa ang sistemang nais ipatupad ng DOT. Kinukuwestiyon ng mga kritiko ang pag-asa sa gradong ibibigay ng mga evaluator na walang malawak na karanasan na maikukumpara sa serbisyong alok ng mga 5-star hotel at resorts sa ibang bansa.
Dahil hindi maituturing na well-travelled, paano tayo makasisiguro sa grading ibibigay ng mga mapipiling evaluator na walang sapat na kaalaman sa international standard at base lamang sa sariling pamantayan ng panghuhusga ang pagbibigay ng marka.
Ang masama, sakaling hindi umayon ang inaasahang grado sa serbisyong maibibigay ng establisyimento sa mga turista, baka ito pa ang maging sanhi ng pagkasira ng imahe ng turismo sa ating bansa.
Subaybayan ang Pinoy U.S. Cops – Ride Along at BITAG tuwing Sabado sa PTV Channel 4, 8:30 at 9:15 ng gabi. Araw-araw na panoorin ang BITAG Live na sabay na mapapanood sa Aksiyon TV Channel 41 at mapapakinggan sa Radyo 5 92.3fm, araw-araw, 10:00 ng umaga hanggang 11:00 ng umaga.
Para sa inyong mga sumbong at tips tumawag sa 9325310 o 9328919 o magpadala ng text message sa 09192141624 o mag-email sa bahalasitulfo@hotmail.com o magsadya sa BITAG Headquarters #299 Syjuco Bldg. Kalaw Hills, Tandang Sora, Quezon City tuwing araw ng Miyerkules, alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.