KAHIT gaano pa kabigat ang kasalanan, maaari pa ring malusutan sa bansang ito. Kahit na nahulihan ng droga, kayang-kayang lumusot basta may pera. Ganito ang lumalabas sa nangyaring pag-snatch sa tatlong drug convicts sa Trece Martires City, Cavite. Umano’y P140,000 ang ibinayad para mapalaya ang mga convict. Umano’y 20 kalalakihang armado nang matataas na kalibre ng baril ang humarang sa service vehicle ng mga drug convicts na sina Li Lan Yan alyas Jackson Dy, ang kanyang asawang si Wang Li Na at Li Tian Hua. Patungo sila sa municipal trial court sa Trece Martires para sa hearing nang harangin ng isang puting van dakong alas-diyes ng umaga. Mga naka-bonnet ang mga lalaki at mabilis na inagaw ang tatlong drug traffickers. Kinuha pa ng mga armado ang short firearms ng tatlong jailguards. Inabandona naman ang van sa Bgy. Aguado, Trece Martires.
Parang eksena sa pelikula ang nangyaring pag-snatch sa mga drug convicts. Pero mas totoo ang nakikita sa pelikula sapagkat ang jailguards na gumaganap ay mahahabang baril ang dala kumpara sa mga Cavite jailguards na pawang maiikli ang bitbit. Kataka-taka rin na tatlong jailguards lang ang kasama at wala pang escort ang vehicle na kinasasakyan ng drug convicts. Umano’y SOP na mayroong backup vehicle ang sasakyang kinaroroonan ng mga convict kapag dadalhin sa court hearing.
Anong nangyayari sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at nag-eempleo ng mga jailguard na kulang sa kaalaman o walang sapat na training? Sa mga nakaraan, marami nang kontrobersiyal na pangyayari ang kinasangkutan ng jailguards. Hindi na nakapagtataka kung hindi lamang mga drug traffickers ang ma-snatch habang patungo sa court hearing. Paano kung ang mga terorista o kaya’y ang mga nagmasaker sa maraming tao ang makatakas dahil sa kaistupiduhan ng jailguards. Sibakin at parusahan ang jailguards na naagawan ng preso sa Trece Martires, ganundin ang kanilang superiors. Hindi sila nararapat sa puwesto. Malaki ang hinalang kasabwat sila kaya nakatakas ang tatlong drug traffickers. Maaaring naambunan sila ng pera.