NAG-UUNAHAN ang isip at bibig. Uutal-utal… sumasabay ang kumpas ng kamay sa mga kwentong ’di na yata matatapos.
Parang ugat na dinadala ni ‘Ben’ ang alaala ng isang babae at bata sa kanyang isip. Ibabaon sa lupang dadaanan, palalaguin gamit ang imahinasyon. Hahatakin at bibitbitin sa kanyang pag-alis. Ipinagtabuyan umano si Stevenson ‘Ben’ Ramos, 51 taong gulang ng mga taong nakapaligid sa kanyang pamilya at ngayon siya’y taranta sa sitwasyong kinasasadlakan niya. “Dalawang dekada na akong nangulila… sa mga kwento ko na lang sila nabubuhay…†wika ni Ben. Mula sa mala-paraisong lugar tulad ng Hawaii kung saan halos lahat ng iyong tingnan ay pawang mga tubig na asul at puno ng niyog na nagwawagayway, ngayon lumiit na ang kanyang mundo. Dalawang taong puro mga boteng walang laman ang araw-araw niyang tinitingnan upang ikalakal sa Laoag, Ilocos Norte. Pagala-gala… walang permanenteng trabaho titigil sa mga kubong bakanteng madadaanan. Ganito man daw kamiserable kung titingnan ang buhay ni Ben mas mabigat ang pasaning matagal na niyang bitbit… ang malayo umano sa asawang si Esmeralda ‘Melda’ at Melvin Natividad, ang kanilang anak. Parehong tubong-Ilocos Norte sina Ben at Melda. Nagkakilala sila taong 1982 nang magbalik-bayan ang tiyahin ni Melda na taga-Hawaii. Bumisita ito sa kanilang simbahan (fellowship) sa San Nicolas. Nakaluhod ang kilay, maliit, kayumanggi… maganda. Ganito unang isinalarawan ni Ben si Melda. Noo’y kinse-anyos nang kanyang makilala. “Unang kita ko pa lang sa kanya, gusto ko na siyang ligawan!†ani Ben. Hayskul si Melda sa kabilang ibayo kaya’t ang naisip na paraan ni Ben para pormahan ito ay ang pagpapadala ng mga sulat. Sa tinta at pluma nabuo ang relasyon ng dalawa. Pitong taon man ang agwat ni Ben sa dalaga hindi niya ito tinigilan. Pagbalik ni Melda sa Piddig, Ilocos tinanan na siya ni Ben. Mabilis niyang nabuntis ang babae. Tutol man ang pamilya nito sa kanya, hindi naging hadlang ito.
“Hindi lang edad namin ang malaki ang agwat. Nag-aabroad ang tatay niya sa Hawaii, galing siya sa maayos at buong pamilya. Ako naman anak sa pagkadalaga… wala akong kinilalang ama,†kwento ni Ben. Nagpakalayo sina Ben, sa San Joaquin, Pasig sila tumuloy. Kwento ni Ben, nakaproseso na ang mga dokumento ni Melda’t pamilya papuntang Hawaii. Malinaw sa kanyang, magkakalayo rin sila. “Dapat aalis na sila, kabuwanan ng misis ko pero dahil delikado nag-antay muna sila hanggang ipanganak ang bata,†ayon kay Ben. Labing-limang araw makalipas isilang si Melvin agad silang pumunta sa Hawaii. Naiwan sa Ilocos si Ben. Patuloy ang tawagan at sulatan. Sa mga larawang pinapadala ni Melda niya nakitang lumaki ang anak. Wala pang isang taon, naputol na ang kanilang komunikasyon, ang mga litratong ito ang tanging naiwan kay Ben. Nilibang niya ang sarili. Mula sa pagkokonsÂtraksyon naging kundoktor siya ng bus, biyaheng Laoag-Batac-Paoay. Nakilala si Lilibeth, kanyang pasahero. Muling umibig si Ben sa pag-aakalang nalimot na siya ni Melda. Sa pangalawang pagkakataon, nakabuntis na naman siya. Sinubukang bumuong muli ni Ben ng pamilya subalit nauwi lang daw sa hiwalayan ang kanilang relasyon. Pinili ni Ben na mamuhay mag-isa. Naging tindero siya ng mga tela sa Quiapo. Taong 1990, madaling-araw… ginising na lang si Ben ng kanyang amo.
“Ben… may tawag ka na long distance!†ani nito. Makalipas ang mahabang taon nakausap niyang muli si Melda. “Bakit ang tagal mong nawala, paano mo nalaman number ko?†tanong ni Ben.“Binigay ng pinsan mo pero ’di yun importante, basta uuwi kami ni Melvin,†sagot nito. Disyembre 1990, sinundo ni Ben sa airport ang kanyang mag-ina. Muling nakita ni Ben ang anak, “Yan ang daddy mo!†bulong ni Melda. Mabilis siyang kinarga ni Ben, niyakap at hinalikan. “Kamukhang-kamukha ko si Melvin… Inglesero nga lang,†pagbabalik-tanaw ni Ben. Gustong pasunurin ni Melda si Ben sa Hawaii kaya nagdesisyon umano silang magpakasal sa Munisipyo ng Pasig taong 1991. Bumalik agad ang mag-ina sa Hawaii matapos ang kasal. Dala ang mga dokumentong kailaÂngan para raw maging ‘immigrant’ si Ben. Kwento ni Ben, DisÂyembre 1991, nang makarating siya ng Hawaii. Nagtrabaho siya dun bilang isang maintenance sa 40-storey hotel. Aminado si Ben na naging problema nila ang madalas niyang pagseselos. “Pakiramdam ko nun may iba si Melda,†ayon kay Ben. SinuÂbukan niyang kausapin ang ina ni Melda tungkol dito. Dito na umano siya nakarinig ng panunumbat, “Hindi naman daw ako makakapunta ng Hawaii kung di dahil sa anak nila! Makapal daw ang mukha ko,†wika ni Ben. Walong buwan lang ang tinagal ni Ben sa Hawaii, pinili niyang umuwi ng Pilipinas. Sinubukan siyang pigilan ni Melda subalit nalason ng selos si Ben at nagpaalipin sa pag-aakalang niloloko siya nito. Iniwan niya ang kanyang mag-ina. Mula 1992 hindi na niya nakausap ang kanyang mag-ina. Sinubukan niyang tawagan ang dati nilang numero sa Hawaii subalit putol na ang linya. Ang huling balita ni Ben, isa nang U.S. Navy si Melvin sa Hawaii.
“Gusto ko lang ulit maÂkausap ang mag-ina ko…†pakiusap ni Ben.
Itinampok namin siya CALVENTO FILES sa radyo. “Hustisya Para Sa Lahat†ng DWIZ882 KHZ (Lunes-Biyernes 3:00-4:00PM at Sabado 11:00-12:00NN). SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, tanggap ni Ben na nagkamali siya ng desisyong iwan sa Hawaii ang mag-ina. Sa halip na ayusin ang kanilang relasyon napuno siya ng pagdududa at ang tanging naisip niyang paraan ay ang magpakalayo na lang. Dalawang dekada na ang nagdaan… pakiramdam niya na siya’y nasa mga huling yugto ng kanyang buhay. Pagtungtong mo sa ganung edad, bawat gising mo sa umaga nagpapasalamat ka na may buhay pa. Naisip din niya ang kanyang anak kung paano ba lumaki ito? Ano ba ang naging itsura niya?
Tulad ng isang magulang inaasam niya na minsan pa…kahit isang sandali lamang mabigyan siya ng pagkakaÂtaong makita, mahagkan… mahalikan ang noo’y bata na galing sa kanya… sa kanilang mag-asawa.
Sa pagtatapos, mariing sinabi niyang wala naman siyang gustong hingiin o angkinin kundi ang kanyang nawalang karapatan na maging isang ama sa kanyang anak. Nais din niyang iparating kay Melvin na meron siyang isang amang buhay na nagsisisi at nangungulila sa pag-ibig ng isang anak. Pagdating naman kay Melda, alam niyang ang punit sa mga pahina ng buhay nila ay kailanman mahirap nang pagtagni-tagniin at ipinapangako niyang wala na siyang ibang hangarin pa.
PARA sa may mga impormasyon kung nasaan sa Hawaii ang mag-ina ni Ben. Maaring makipag-ugnayan lamang sa mga numero naming mababasa ninyo sa ibaba. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) Ang aming numero 09213263166 (Chen) / 09198972854 (Monique) /09213784392 (Pauline). Landline 6387285 at 24/7 7104038.Address: 5th floor City State Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City.