EDITORYAL - Smuggling ng bigas sa ‘tuwid na daan’

WALANG pagbabago. Patuloy pa rin ang rice smuggling sa bansang ito at walang ibang nalulumpo kundi ang mga kawawa at maliliit na magsasaka. Nang ipuwesto ni President Aquino sa Bureau of Customs si Ruffy Biazon, inakala nang marami na matitigil na ang rice smuggling. Hindi pala. Nagkamali ba si Aquino sa pagpili kay Biazon? Hindi kaya masira ang tinatahak na “daang matuwid” dahil sa talamak na rice smuggling? Hanggang kailan magtitiis ang mga magsasaka na dinadapurak ng grabeng rice smuggling?

Masaya namang ibinabalita ng Customs na nakaka-intercept sila ng mga smuggled na bigas pero ang nakapagtataka ay kung bakit hindi nila matukoy kung sino ang consignee o may-ari nito. Katulad ng na-intercept na 5,000 sako ng bigas sa Mindanao Container Terminal, Tagoloan, Misamis Oriental. Nagkakahalaga ang bigas ng P9-milyon. Galing ang shipment sa Vietnam at nakalagay sa 10 containers. Dumating ang shipment noong Hulyo 2012 at pinigil ng Customs sapagkat walang kaukulang papeles para sa importasyon. Noong nakaraang linggo, sinabi ng Customs na idadaan sa auction. Ang kikitain sa auction ay malaking karagdagan sa kaban ng Customs.

Nakapagtataka naman kung bakit pinalipas pa ang anim na buwan saka nagdeklara ng auction ang Customs. Bakit hindi imbestigahan kung sino ang consignee? Hindi kaya mga corrupt din na opisyal at tauhan sa Customs ang kakutsaba. Kung idadaan sa auction, tiyak na ang mananalo rin sa bidding ay ang mismong consignee. Hindi na siya nagbayad ng tax sa Customs, siya pa ang magmamay-ari ng mga bigas.

Babaha ang bigas na imported sa mga palengke at ang mga local na ani ng mga magsasaka ay hindi mabebenta. Mas mababa pa ang presyo ng smuggled kaysa sa mga local na ani. Kawawang mga magsasaka na bago makapag-ani ay maraming sakripisyo, hirap at gastos ang dinanas. Sa isang iglap, nawalan ng saysay ang paghihirap dahil sa smuggled rice.

Hindi katanggap-tanggap sa “tuwid na daan” ang paghambalang ng smuggled rice.

Show comments