MARAMI nang nangyaring trahedya habang nasa educational field trip ang mga estudyante. May estudyanteng nalunod, nasagasaan, nahulog sa malalim na butas, nakaladkad, may nabagok ang ulo at kung anu-ano pang mga masasamang pangyayari na ang iba ay humantong sa pagkamatay ng estudyante.
Sa kabila ng mga sunud-sunod na masasamang nangyayari sa mga estudyante habang nasa field trip, patuloy pa rin naman ang gawaing ito at walang balak ang mga eskuwelahan na ihinto. Ito ay sa kabila na maraming magulang, grupo at iba pang concerned citizens ang nagpahayag na dapat nang itigil ang ginagawang field trip. Hindi na raw dapat gawin ito sapagkat inilalagay lamang sa panganib ang buhay ng mga estudyante. Wala rin naman daw natututuhan ang mga estudyante bagkus, pagod at gastos lamang ang nakukuha sa field trip. At masama pa nga, napapahamak.
Ang pinaka-latest na insidente sa field trip ay nang masagasaan ang dalawang estudyante kung saan namatay ang isa at nasa malubhang kalagayan naman ang isa pa. Nagsagawa ng field trip ang mga estudyante ng isang school sa Bulacan at ang Camp Capinpin sa Tanay, Rizal ang kanilang pinuntahan. Umano’y tapos na ang mga estudyante sa paglilibot sa naturang kampo ng army at nag-akyatan na sa bus ang ilan samantalang ang iba pa ay naglalakad-lakad sa paligid.
Hanggang sa isang tourist bus na sinakyan ng mga estudyante ang nasira ang handbrake at hindi kinaya ang nakakalso sa gulong ang tuluy-tuloy na gumulong pababa at dalawang estudyante ang nasagasaan. Namatay agad ang isang estudyante samantalang naisugod sa ospital ang kaklase nito.
Maraming bumatikos sa field trip. Huwag na raw magkaroon nito ang mga school. Pero nagpahayag ang Department of Education (DepEd) na hindi aalisin ang field trip. Ayon sa DepEd, malaki ang naitutulong ng field trip sa kaalaman ng mga estudyante. Hindi ito dapat alisin.
May katwiran ang DepEd na nakatutulong ang field trip sa mga estudyante subalit dapat din naman silang magpalabas ng mga guidelines kung paano mapoprotektahan ang mga estudyante. Siguruhin ang kaligtasan ng mga estudyante. Maging maingat sa pagkuha ng mga bus. Siguruhing may sapat na karanasan ang mga driver. Kung maaari ay mayroong nakabantay na mga guro sa mga bata para maiwasan ang anumang malagim na aksidente na kagaya nang nangyari sa Tanay.