Love story no. 3: Hagdan na inukit ng Pag-ibig
NOONG 1956, sobrang conservative ang mga tao sa China kaya nang niligawan ng biyudong si Liu ang biyudang si Xu, sari-saring makasira-puring intriga ang lumabas laban sa dalawa. Nagpasiya ang lovers na magsama at lisanin ang village na kinaÂlakihan nila. Kasama ang kanilang mga anak sa kanya-kanyang unang asawa, nagtayo ng maliit na bahay ang mag-asawa sa tuktok ng bundok. Nagtanim sila ng gulay at punongkahoy upang pagdating ng araw ay may pagkukunan sila ng ikabubuhay.
Sobrang matarik ang daan pababa ng bundok kaya hirap na hirap si Xu sa pagbaba. Naisip ni Liu na gumawa ng hagdan para sa minamahal na asawa. Mano-mano niyang inukit isa-isa ang bawat steps mula sa tuktok hanggang sa ibaba. Matagal din niyang natapos ang 6,000 steps. Lumipas ang maraming taon, ang mga anak ay nagkaroon na rin ng kanya-kanyang buhay. Pinili nilang lisanin ang bundok at manirahan sa kabayanan. Dumating ang sandali na ang matandang mag-asawa ang naiwan sa kabundukan.
Noong 2001 ay nagkaroon ng expedition ang mga science researchers sa bundok. Nagulat ang grupo nang tumambad sa kanila ang magandang hagdan na hindi mo aakalain na ginawa lang nang mano-mano. Para daw kasing ginamitan ng special machine ang bawat steps dahil almost perfect ang pagkakagawa nito. Lalo silang nasorpresa nang makarating sa tuktok—isang simple ngunit masinop na bahay na napapaligiran ng mga gulay at punongkahoy ang tumambad sa kanila. Noon nila nakilala ang mag-asawang 60 plus na ang edad. Kumalat ang love story sa media hanggang isang TV network ang nag-produce ng kanilang love story at ginawang tele-novela. Ito ay may pamagat na Ladder of Love. Noong 2007 ay binawian ng buhay si Liu samantalang October 2012 naman si Xu. Magkatabi silang nakahimlay sa bakuran ng kanilang bahay dahil iyon ang kahilingan nila bago malagutan ng hininga. Ayaw nilang maghiwalay hanggang sa huling sandali.