Rehabilitasyon sa Edsa, mabuti ngang pag-aralan muna!

Marami ang natuwa nang pigilan ni Pangulong Aquino ang itinakdang rehabilitasyon sa kahabaan ng Edsa.

Kasi nga mula ng ianunsyo na tuloy ang pagpapagawa dito pagkatapos ng eleksyon abay, marami na ang nabahala at talagang ngayon pa lang ay nag-iisip na kung paano nila matatagalan ang kalbaryo ng trapik na magiging dulot nito sa araw-araw nilang pagbibiyahe sa lugar.

Sana eh kung ilang araw lang, pwede pang mapagtiis-tiisan, ang masaklap taon ang bibilangin bago matapos ang gawaan.

Pagpapaganda ng daan ang layunin sa itinakdang rehabilitasyon, pero hindi nakatitiyak kung ang daloy ng trapiko rito eh gaganda o luluwag.

Kung gagawin ding lang sana ay tuluyan na ring luwagan para kung matapos makatiyak na may pagbabago sa daloy ng trapiko.

Ang concern naman kasi ng maraming motorista at mga bumibiyahe rito , eh sana raw ang unang maisaayos ay ang trapik .

Araw-araw nadaragdagan ang sasakyan, pero ang kalsada ganun pa rin.

Kung makakaisip ng mga pamamaraan para mabawasan ang mga sasakyan at maisasaayos ang daloy ng trapiko sa kahabaan ng Edsa ay saka na sana isagawa ang sinasabing rehabilitasyon.

At ang timing nang paggawa na pagkatapos daw ng eleksyon sa Mayo eh mukhang hindi maganda. Una papasok ang tag-ulan at pagbubukas pa ng klase.

Maganda marahil ang layunin na maisaayos ang daan, pero dapat muna sigurong pag-isipan itong maigi at huwag pabigla-bigla dahil baka mas matindi ang maging epekto nito sa daloy ng buhay ng marami nating kababayan.

Pagtuunan na rin ng pansin ang sangkaterbang bus na siyang nagpapasikip sa Edsa.

Sa pagpapatigil ni PNoy sa naturang rehabilitasyon, marami pa rin ang nananala-ngin na sana nga raw ay tuluyan nang wag ituloy.

Unti-unti na lang ang gawin sa mga sira, gaya ng ginagawa dati pa na nagkakaroon ng re-blocking tuwing weekend at hindi na ang phase-phase na pagsasara ng dalawang lane.

Sana nga po!

 

Show comments