Lampong (203)

“AKO nga pala si Dick,” iniabot niya ang kamay sa nakilalang lalaki. Nagkamay sila.

“Ako naman si Anton.”

Mabait si Anton at halatang tapat makipagkaibigan. Marami silang napagkuwentuhan.

Hindi nga namalayan Dick na papalapit na sila sa Calapan port. Nang makadaong na ang ferry, niyaya na siya ni Anton sa sasakyan nito. Nakaparada ang sasakyan ni Anton sa di-kalayuan sa port. Doon daw niya iniiwan ang sasakyan kapag lumuluwas siya.

Nang tumatakbo na ang van ay walang tigil sila sa pagkukuwentuhan. Laging ipinaaalala ni Dick kay Anton na baka malampasan nila ang bayan ng Socorro.

“Malayo pa Pareng Dick. Akong bahala sa’yo. Kabisado ko ang Socorro.” 

“Mabuti pala at ikaw ang napagtanungan ko Anton. Talaga palang taga-Mindoro ka kaya kabisado mo ang mga lugar.”

“Oo Pareng Dick talagang taga-Mindoro ako. Ang pamilya namin ay galing sa Marinduque. Yung lolo ko ay nagkukuwento na galing daw sila sa Boac at nagtungo sa Mindoro na ang dala lamang ay palakol at itak.”

“Bakit palakol Pareng Anton?”

“E kasi ang Mindoro raw noon ay pawang kakahuyan o gubatan pa. Malalaking kahoy ang kailangang itumba para maka-paglinis ng lupain. Noon daw, kapag malaki ang nalinisan mong lupa sa iyo na iyon. Homested daw ang tawag. E palibhasa’y masipag ang lolo ko, malaki ang nalinisan niyang lupa. Kaya sa lawak ng lupain ng lolo ay mistulang may asyenda. Tinaniman niya ng niyog, saging, palay at kung anu-ano pa.”

“Naku mayaman pala kayo, Pareng Anton.”

“Hindi naman Pareng Dick. Tamang-tama lang para sa amin. Yung Papa ko, nakamana siya ng ilang ektarya at pinatayuan niya ng mga bahay. Overlooking kasi sa dagat ang lugar na namana niya. Tapos may beach. Haya­an mo at kapag may oras e dadalhin kita sa amin. Siguro naman ay hindi ka nagmamadali sa pupuntahan mo sa Socorro.”

“E sa to­ too lang Pareng Anton, hindi ko pa alam kung saan ko hahanapin itong taong pupuntahan ko. Basta ang sabi ay sa Socorro.”

“Malaki rin ang Socorro. Maraming barangay na sakop. Ano bang pangalan ng pupuntahan mo. Baka sakali ay makilala ko kapag nabanggit ang apelyido.’’

Nag-isip si Dick. Ano nga ba ang apelyido ni Jinky?

“Pareng Anton, hindi ko maalala ang apelyido ng pupuntahan ko.”

Nagtawa si Anton.

“Naku mahirap yan Pareng Dick. Parang naghahanap ka ng karayom sa damuhan. Baka mahirapan ka. Mabuti yata sa bahay ka muna tumuloy at saka mo puntahan yang hinahanap mo. Isipin mong mabuti ang apelyido. Sasamahan pa kita.’’

Lalong nabuhay ang pag-asa ni Dick. Ipinagtapat niya kay Anton ang tungkol kay Jinky.

(Itutuloy)

Show comments