Atimonan incident, magsilbing leksiyon sa PNP

NAISUMITE na ni justice secretary Leila de lima kay President Noynoy Aquino ang report ng NBI sa umano’y barilan sa Atimonan, Quezon na ikinamatay ng 13 tao. Inirerekomenda na ang pagsasampa ng 13 counts ng murder laban sa mga operatiba ng PNP at AFP na pinangunahan ni Supt. Hansel Marantan.

Sa palagay ko, mahihirapan nang makalusot si Marantan sa kasong ito. Naunang nasangkot si Marantan sa Parañaque shootout at Ortigas shootout na may nadamay na sibilyan. Sa kabila niyon nabigyan pa siya ng promosyon.

Magsilbing leksiyon at babala ito sa iba pang pulis na gagawa ng hakbang para sa pansariling interes o labag sa mga panuntunan sa paglulunsad ng operasyon.

Hindi naman kinunsinti ni PNP chief director General Allan Purisima ang kanyang mga tauhan na sabit sa Atimonan incident. Sa katunayan, inaprubahan niya ang rekomendasyon na sampahan ng kasong administratibo ang mga pulis na sangkot sa shooting incident. Ang masaklap na epekto ng Atimonan incident ay nakasira ito sa imahe ng PNP.

Napakaraming accomplishments si Purisima tulad sa pagkakasagip sa ilang kidnap victims ngunit hindi mas­yadong natutukan ng pansin ng media kaya lumilitaw na palpak ang PNP. Batay sa datos, bumababa naman daw ang krimen sa bansa subalit napapalaki ng media at tinututukan ang ilang kaso dahilan upang sumama ang imahe ng PNP sa publiko.

Ang magandang gawin ng ng PNP ay magsampol sila sa mga criminal na nabibigyan ng atensiyon ng media. Tiyak na babango ang  kanilang pangalan at magbabago ang pagtingin ng publiko.

Hindi naman maikakaila ang pagsisikap ni Purisima na maibangon ang imahe ng PNP pero kailangan dito ang tulong ng kanyang mga kapwa opisyal at tauhan. Dapat  maipakita sa publiko ang tunay na magandang serbisyo sa bayan.

Kailangan din ang suporta ng lahat ng sector upang mapaganda ang imahe ng PNP. Makakatulong ito upang bumalik ang tiwala ng taumbayan sa mga pulis. Makakatulong din naman upang pag-ibayuhin ng mga pulis ang pagbibigay nila ng proteksiyon sa publiko.

 

Show comments