SINIRA ng USS Guardian ang malaking bahagi ng Tubbataha Reef. Sa taya ng International environment conservation group, ang lawak ng coral reef na sinira ng Guardian ay 1,600 meters. Nagkakahalaga umano ng $300 per square meters ang nasirang corals. Sa kabuuuan, ang halaga ng kanilang sinira ay umaabot sa $960,000 o P38-million. Dapat nila itong bayaran!
Ilang araw makaraan ang pagsadsad ng Guardian, nag-sorry ang United States Navy sa ginawang perwisyo sa reef. Pero sapat ba ang sorry? Hindi. Kailangang magbayad sila sa ginawa. Maski si President Aquino ay nagsabing pagbabayarin ang US Navy. Ang Tubbataha ay dineklara ng UNESCO na World Heritage Site.
Dahil sa pagsadsad ng minesweeping vessel sa reef, nakayod ang mga corals at nawasak ang mga pinaka-magagandang yaman sa pusod ng dagat. Habang nakasadsad, walang tigil sa paggalaw ang barko sapagkat sinisiklot ng alon. Sa bawat siklot, tumatama ito sa corals kaya lalong nadadagdagan ang sira. Mayroon umanong parating na mga barko na gagamitin para i-salvage ang Guardian. Iaangat daw ito. Mayroong nagsabi na hahati-hatiin ang Guardian. Kapag ginawa ito, lalo umanong mayayanig ang Tubbataha at madadagdagan pa ang damage sa corals.
Nararapat magbayad ang US Navy katulad ng ginawa nilang pagbabayad sa Hawaii noong 2009 nang sirain din nila ang coral reef doon. Nagkakahalaga ng $15-million ang binayaran ng US Navy sa Hawaii.
Ngayong sinabi ni P-Noy na dapat magbayad ang US Navy sa nagawang perwisyo, ipursige ito. Kalampagin ang US. Huwag tantanan. Marami nang pangyayari na binalewala ng US ang kahilingan at demand ng mga Pilipino.