Gun ban, wa epek, krimen mas dumami
Mukhang kabaligtaran pa nga yata ang nangyayari na kung kailan ipinatutupad ang gun ban, aba’y doon pa halos sunud-sunod ang nagaganap na krimen. Mga krimeng sangkot ay mga baril.
Ano ba yan?
Mukhang naghahamon talaga ang mga kriminal na walang takot sa kanilang mga operasyon dala ang kanilang mga gamit na baril.
Hindi rin yata nagiging epektibo ang mga itinatatag na checkpoint, dahil talagang marami ang nakakalusot.
Dito lang sa Metro Manila, sunud-sunod talaga ang mga mararahas na krimen.
Noong Sabado, nilooban ang isang jewelry shop sa loob ng isang mall sa Mandaluyong City.
Lunes ng umaga, binaril at napatay ang isang negosyanteng Tsinoy matapos na mag-withdraw ng pera sa isang banko sa Ortigas sa San Juan City.
Kinabukasan nilooban ang isang sangay ng money transfer company. Anim na kalalakihan ang pumasok sa naturang kompanya sa Parañaque City na armado ng matataas na kalibre ng baril, may automatic rifles at Uzi pa umanong bitbit ang mga suspect.
Sa Parañaque pa rin, itinumba rin ang isang taxi operator habang nililinis ang kanyang taxi sa harap ng kanyang bahay. Dalawang lalaki na armado ng baril ang suspect sa insidente. Baril na naman!
Ilan lang yan at wala pa ang mga mararahas na krimen na naganap sa mga lalawigan. Bakit nga ba? Baril naipapasok sa korte, baril nailulusot sa mga mall, sa kabila ng gun ban.
Bakit kaya nagkakagani-to, sino at saan kaya ang pagkukulang.
Malaking hamon na naman ito sa PNP dahil siguradong sila na naman ang matutumbok dito, kaya marapat lamang na mas lalong paÂigtingin ang kanilang mga operasyon.
Maging ang Comelec ay nababahala at nakatakda na ring makipagpulong sa PNP lalu pa nga’t papalapit na ang eleksyon na baka mas dumami pa ang ganitong mga karahasan.
- Latest