Demoralisado ang PAF

FLASH report! Akala ni Air Force chief Lt. Gen. Lauro Catalino de la Cruz (PMA Class ’80), siya ang papalit kay Armed Forces chief Gen. Jessie Dellosa na nagretiro kamakailan. Sinabi ng mga kosa ko sa AFP, na sinabihan na ni President Aquino si De la Cruz na siya na ang susunod na AFP chief. Ilang araw bago ang turnover of command sa AFP, dumating ang mga Air Force personnel sa Camp Aguinaldo at nag-inspection, kasama na rito ang quarters ng AFP chief. Pati ang troop commander sa turnover ay Air Force colonel ang napupusuan. Subalit si Army chief Lt. Gen. Emmanuel Bautista (PMA Class ’81), ang hinirang na AFP chief na sa tingin ng mga kosa ko ay baluktot na daan ang tatahakin. Demoralisado kaya ang Air Force ngayon?

Martial law naman sa ngayon ang mga bookies ng jueteng sa Calabarzon area sa pag-upo ni Chief Sup. Benito Estipona bilang bagong hepe ng PRO4-A. Hindi naman nagsara ang bookies nina Tita Dinglasan Angeles, Dante Alvarez, Charing Magbuhos, at Don Ramon Preza subalit wait and see ang attitude nila sa mga yapak ni Estipona. Sa ngayon, gerilya ang operation ng pa-bookies ng jueteng sa Southern Tagalog tulad noong panahon ng nasibak na hepe ng PRO4-A na si Chief Supt. James Melad. Nagmoro-moro kasi si Melad at kunwari di niya isinawsaw ang mga kamay niya sa jueteng subalit nang sumambulat ang Atimonan `“shootout” kuno, ay nahalungkat na illegal­ na sugal ang ugat ng away ng gambling lord na si Vic Siman at bata niyang si Supt. Hansel Marantan. Malayo lang pala ang bulsa ni Melad sa jueteng, di ba mga kosa?

Humahangos naman na nagbalita sa akin itong isang kosa ko sa Calabarzon na si Melad, kasama ang hepe ng Laguna na si Sr. Supt. Pascual Muñoz, ay nagsadya sa bahay ng isang kongresista, noong Enero 15, ang araw na sinibak siya bilang hepe ng PRO4-A. Malakas kasi ang relasyon ng kongresista kay President Aquino. Kaya ang ugong sa ngayon, kaya lumapit si Melad sa padrino nya ay para humingi ng tulong para ma-retain siya o dili kaya’y humingi ng “pabaon.” Ang kongresista kasi ay malapit na kamag-anak ni Don Ramon Preza, ang operator ng STL sa Laguna. Totoo bang si Preza ay tatakbong mayor ng Tiaong, Quezon sa May election?

Sa tingin ko, pinakamasa­yang tao sa PNP si Estipona, na nakalimutan ng kaklase niya na si PNP chief Dir. Gen. Alan Purisima na maipuwesto sa ilang reshuffle sa PNP. Ang target ni Estipona mga kosa ay ang PRO5 sa Bicol subalit sa PRO4-A ang bagsak niya, na tinaguriang isa sa “juicy positions” sa PNP. Habang abala si Estipona na mapabangong muli ang pangalan ng Calabarzon PNP, nag-umpisa namang mag-ikot ang tropa ni Dodie Lasierda, na taga-Cuyab, San Pedro, Laguna sa mga tabakuhan. Ang ginagamit ni Lasierda sa bookies ng jueteng sa Laguna ay si Leo de los Santos. Habulin na dapat ni Estipona sina Lasierda at De los Santos at baka sa maikling panahon ay sumunod siya sa yapak ni Melad.

Show comments