Utak ng kriminal
Bakit at paano nagagawa ng mga rapist at killer ang kanilang mga karumal-dumal na gawain? Halos araw-araw na lang, naglalabasan sa mga dyaryo, telebisyon, radyo at internet ang mga balita hinggil sa mga babae, matanda man o bata, na ginahasa at pinatay. Itinuturing ng ating lipunan na sira ang ulo ng mga ganitong klaseng kriminal.
Mababago pa ba ang ugali at pag-iisip ng mga rapist at killer na ito? O ikulong na lang at parusahan para hindi na makapaminsala sa ibang tao?
Sa isang pag-aaral ng isang grupo ng mga scientist sa InsÂtitute of Psychiatry ng King’s College ng London sa Britain, lumilitaw na, sa loob ng utak ng mga baliw na rapist at killer na ito, merong mga diperensya o butas sa kuneksyon ng ilang bahagi nito na may kinalaman sa emosyon at paggawa ng mga desisyon.
Isa sa naturang mga scientist na si Dr. Michael Craig ang nagsabing binubuksan sa kanilang pag-aaral ang posibilidad na makalikha ng gamot sa utak ng mga baliw na rapist at killer.
Sa pag-aaral na ginawa ng grupo ni Craig na nalathala sa journal na Molecular Psychiatry, naging mahirap maghagilap ng mga psychopath o mga taong baliw na rapist at killer para ipailalim sa brain scan. Siyam na psychopath ang naipailalim sa kanilang pananaliksik pero, ayon kay Craig, dapat matukoy dito kung ang mga nakitang butas sa ilang bahagi ng utak ng mga rapist at killer ay naroon na mula nang ipinanganak ang mga ito o lumitaw lang sa kanilang paglaki o bunga ng ilang pangyayari?
Sa pamamagitan ng tinatawag nilang diffusion tensor magnetic resonance, nakita nila sa mga psychopath na ito ang mga sira sa bahaging Amygdala ng utak ng mga ito na nagpoproseso sa mga emosyon at sa bahaging orbitofrontal cortex na may kaugnayan sa mga nararamdamang pagnanasa at pagdedesisyon.
Isa pa lamang maliit na pag-aaral ang ginawa ni Craig pero mahalaga rin anya ito para sa ibayo pang pananaliksik sa utak ng mga baliw na rapist at killer. Nagbabala siya na maaga pa para suriin ang moral na kahalagahan nito sa lipunan at kung ano ang gagawin dito.
- Latest