M AHIGPIT ang pag-ayaw ni President Noynoy Aquino sa panawagang ipagbawal totally ang baril. Hindi raw ito ang kasagutan. Kapag daw ibinawal ang pagbibigay ng permiso sa pagdadala ng baril para na ring binigyan ng pagkakataon ang mga criminal na yumaot sa kalye at gawin ang kanilang nais. Ang pagbabawal sa pagdadala ng baril ay mag-aalis lamang sa karapatan ng mga responsableng gunowner at magbibigay naman ng tapang sa mga masasamang loob. Ayon pa rin sa Presidente, sa mga state umano sa America na mahigpit sa baril, mas mataas ang nangyayayaring krimen. Hindi raw malulutas ng gunban ang mga krimen na kinasangkutan ng baril.
Kung ang Presidente na ang umaayaw sa lubusang pagbabawal sa baril, wala nang pagtatalunan pa rito. Kahit na marami pa ang sumasamo na ipagbawal ang baril para matigil na ang mga malalagim na krimen, wala ring saysay. Sayang lamang ang pagsisikap na magkaroon ng gunless society. Hindi na magkakaroon ng pagkakataon na masilayan sa bansang ito na walang nagmamay-ari ng baril.
At dahil nga magpapatuloy ang maluwag na pagmamay-ari ng baril, maaaring maulit ang pangyayari noong Bagong Taon na may mga tinamaan ng ligaw na bala. Maraming tinamaan ng bala noong Dis. 31, 2012 at may mga namatay. Kabilang sa namatay ang 7-taong gulang na si Nicole Ella na tinamaan habang sinasalubong ang 2013. Hanggang ngayon hindi pa matukoy ang nagpaputok ng kalibre 45 na kumitil sa buhay ni Nicole. Bukod kay Nicole, ilang bata pa ang tinamaan ng bala.
Tutol si P-Noy sa gun ban. Kung ito ang kanyang paninindigan, sana naman magkaroon siya ng ngipin para paigtingin ang kampanya sa pagsamsam sa loose firearms. Atasan ang PNP na magsagawa ng puspusang paghahanap sa mga hindi lisensiyadong baril.