HINDI na mapigilan ang paglawak ng negosyong bookies ng karera ni codename Jeff sa Sampaloc, Manila. Iniilagan ng mga bataan ni MPD director Chief Supt. Alex Gutierrez ang mga puwesto ni Jeff, hindi lang dahil nakatimbre ito sa kanya, kundi dahil kinakalong ito ng mga opisyales na nakapaligid sa idol kong si Manila Mayor Alfredo Lim. Kaya walang magawa sina Boy Abang, Apeng Sy, Pacia at iba pang gambling lords sa Maynila sa pananalasa ni Jeff na ang taga-kolekta ng kubransa kapag tapos na ang karera ay mismong naka-motorsiklong pulis. Kaya kung mataas ang kriminalidad sa Maynila Mayor Lim idol, ‘yan ay dahil nasa kalsada nga ang mga pulis mo subalit hindi para sawatain ang mga kriminal kundi para kubrahin ang kita ng bookies ng karera ni Jeff. Tinitiyak ng mga kosa ko na hindi ito alam ni Lim subalit ang kanyang spokesman na si Ric de Guzman kaya ay may alam dito? Kaya dapat imbestigahan ni De Guzman, ang kanyang sarili…este ang paggamit ni Jeff sa pangalan niya at baka makasira ito sa kandidatura ni Lim sa darating na Mayo. Get’s n’yo mga kosa?
Kung sabagay, paano aasahan si Gutierrez na puksain ang mga puwesto ni Jeff kung lumalakas ang ugong na papalitan na siya. Para magkaroon ng pangil ang pulisya sa May election, minabuti ni PNP chief Dir. Gen. Alan Purisima na palitan ang mga hepe na sobra na sa dalawang taon sa puwesto o yaong magreretiro na sa election period. Hindi lang si Gutierrez ang tatamaan sa NCRPO, kundi maging si QCPD director Chief Supt. Mario de la Vega. Si De la Vega ay magÂreretiro na sa Pebrero samantalang si Gutierrez ay sa Abril. Si Gen. Isagani Genabe ang papalit kay Gutierrez subalit sa kasamaang palad, ang nais ni Lim ay si Sr. Supt. Roberto Po, ng PNPA Class ’85. Ang mabango naman sa QCPD ay si Sr. Supt. Richard Albano.
Hindi lang naman kasi sina Gutierrez at De la Vega ang tatamaan sa NCRPO kundi pati na ang limang chief of police (COP) na sina Sr. Supt. Romulo Sapitula ng Las Pinas City; Sr. Supt. Gabriel Lopez ng Marikina City; Sr. Supt. Armando Bolalin ng Mandaluyong City, Sr. Supt. Tomas Apolinario ng Taguig City at Sr. Supt. Ranier Espina ng San Juan City. Ayon naman kay Sr. Supt. Denden Peña, ang CDS ng NCRPO, ang limang opisyal ay magpapalit lang ng puwesto sa division chiefs ng NCRPO para hindi sila mabakante o matapon sa kangkungan.
May nagbalita sa akin na si Gutierrez ay mae-extend hanggang Abril. Sinabi ng mga kosa ko na lalong yayabong ang negosyo ni Jeff nito, dahil hindi siya kayang ipasara ni Gutierrez dahil isa siya sa mga mapagkukunan nito ng baon bago magretiro. Abangan!