Nagsimula raw matutuhan ng tao ang pakikipagkapwa dahil sa karne, ayon kay Michael Alvard, isang anthropoligist ng Texas A&M University. Sinabi ni Alvard na maaaring may dalawang milyong taon na ang nakakaraan mula nang matutunan ng tao ang makipagkapwa at ibahagi sa iba ang anuman niyang kayamanan. Noong araw daw kasi, mahirap manghuli ng hayop lalo pa’t wala pang kagamitang tulad ng nakikita sa kasalukuyang panahon. Maaari anyang napag-isip-isip ng mga sinaunang tao na hindi nila makakayang mag-isang manghuli ng malaking hayop o lamang-dagat kaya kailangan nilang magsama ng iba gaya halimbawa ng kaibigan o kapitbahay o kababayan. Pero kailangan din niya siyempreng bigyan niya ang mga ito ng ilan sa karne ng hayop na mahuhuli nila sa gubat.
• • • • • •
Sa mga estudyante na nagmememorya ng kanilang leksyon lalo pa at may test sa klase kinabukasan, mas mainam na matulog agad pagkatapos mag-aral. Ayon sa isang pananaliksik na lumabas sa isang isyu ng babasahing Current Biology, nakakatulong ang pagtulog para matandaan ng isang tao ang kanyang napag-aralan. Pinuna nila na mas nahihirapan ang isang tao na matandaan ang kanyang pinag-aralan kapag merong ibang umabala sa kanyang atensyon bago siya matulog.
• • • • • •
Sa isang research paper ng mga scientist ng Rutgers, The State University of New Jersey, inilarawan dito kung paano binago ng pagputok ng bulkang Pinatubo noong 1991 ang klima ng Daigdig. Napalakas daw dito ang teorya hinggil sa mga paninira ng tao sa kapaligiran na nagbubunga ng global warming. Ayon kay Alan Robock, awtor ng naturang research paper, dahil sa sulfuric acid cloud na ibinuga ng Pinatubo at humarang sa malaking porsiyento ng liwanag na pumapasok sa Dagdig mula sa Araw, naging malamig ang kapaligiran sa panahon ng tag-init, naging mainit sa panahon ng taglamig o winter at pagbabago ng ihip ng hangin at klima. Lumitaw rin daw ito ng kakaibang snowstorm sa Jerusalem, namatay ang mga korales sa pusod ng Red Sea at numipis ang ozone layer (iyong bahagi ng himpapawirin ng Daigdig na sumasala sa ultraviolet rays ng Araw)) sa Temparate Zone Region ng Northern Hemisphere na tinitirhan ng karamihan ng populasyon ng sangkatauhan.