MAAARING nakakita na kayo ng munting bukol sa dakong likod ng palapulsuhan (wrist) ng ating mga kamay. May naging kaklase ako nung ako’y nasa elementarya pa na may ganitong klase ng bukol sa kamay. Tinawag tuloy siyang “bukol†ng aming mga kaklase. Ano nga ba ang bukol na ito?
Ito ay isang uri ng cyst na hindi naman masakit. Pero dahil ito’y nakabukol, talaga namang nakaka-conscious. Ganglion cyst ang tawag dito, isang uri ng bukol na naglalaman ng likido (fluid-filled cyst) na kagyat makikita sa ilalim ng mismong balat sa likod ng pulso (wrist). Puwede rin itong makita sa harap ng ating palapulsuhan, sa ating daliri, o sa ating paa.
Nabubuo ang mga ganglion cyst kapag naiipon ang mga subÂstances na parang jelly mula sa mga joints o sa mga litid. Kapag sinalat ang bukol na ito sa kamay, parang goma ang salat dito. Pero kung ang gusto n’yong malaman ay kung nauuwi ba sa kanser ang ganitong uri ng bukol, hindi po. Ang ganglion cyst ay hindi cancerous.
Hindi delikado ang mga ganglion cyst. Pero marami pa rin ang nag-aalala kapag napansin na nilang may tumubong bukol o cyst sa kanilang mga kamay, lalo na dun sa likod na bahagi ng ating palapulsuhan (wrist). Kahit alam nating harmless naman ang ganitong bukol, maipapayo ko pa rin ang ipakita o ipasuri ang anumang bukol na mapapansing tumubo sa kamay o paa.
Paano ginagamot ang ganglion cyst?
Mas madalas kaysa hindi, wala namang kailangang gamutan para rito. Hindi naman kasi nakakaabala sa ating paraan ng pamumuhay ang cyst na ito. Pero kung nangyaring ang ganglion cyst ninyo ay naging makirot, may mga hakbang na dapat gawin gawin para hindi masaktan. Minsa ay dine-drain ng doctor ang laman ng cyst o puwedeng mag-iniksyon ng steroid ang doktor sa cyst. Kung sakali mang na-drain ang likidong laman ng cyst, malaki ang posibilidad na muling bumalik ito matapos ma-drain.
Kung lalagyan ng splint o brace ang dakong apektado, puwedeng mapaliit ang sukat ng cyst.
Dapat bang paoperahan ang ganglion cyst?
Puwede. Lalo na kung makirot ang klase ng tumubong ganglion cyst o walang pagbabagong nakita sa anumang mga ginawang hakbang upang mapaliit ang naturang cyst.
Ano ba’ng mga hakbang ang puwedeng isagawa ng doctor upang matiyak na ito’y ganglion cyst nga? Unang-una ang pagsusuri sa hitsura ng bukol sa pamamagitan ng pagsalat dito. Puwede ring isagawa ang x-ray ng naturang lugar. Makatutulong din ang ultrasound examination.