P ERO paano niya gagantihan si Puri ay hindi naman niya alam kung saan ito matatagpuan. Hindi na ito umuuwi sa kanyang unit. Maaaring ibinabahay na ng mayamang matanda. Maaaring nasa Dasma Village o Ayala Alabang itinira si Puri.
Paano naman siya makakapunta sa mga lugar na iyon? Baka sa gate pa lamang ay harangin na siya ng guwardiya. Tiyak na iimbestigahan siya kung bakit hinahanap ang tirahan. Mabubuking siya na may gagawing masama. Baka sa halip na makaganti sa ginawang panloloko sa kanya ay siya pa ang makulong. Dapat kung gagantihan niya si Puri ay yung hindi siya sasabit. Dapat si Puri lamang ang magdanas ng kanyang ganti.
Nag-isip si Dick. Mahilig si Puri sa mamahaling damit at sapatos. Gusto nito ay laging nasa mall o department store para makapag-shopping. Sa mall niya ito aabangan. Kahit pa parang naghahanap siya ng karayom sa dayami, magtitiis siyang mag-abang. Hindi siya titigil hangga’t hindi nagagantihan si Puri.
Pero ano namang ganti ang gagawin niya kay Puri sakali’t magkita sila? Sampalin kaya niya? Murahin kaya niya ito sa karamihan ng tao? O kapag kasama si Tanda, ay gumawa siya ng eksena. Ibubuko niya na mayroon itong nakarelasyon. At isisigaw niya na napagsawaan na niya si Puri.
Palagay niya, pinakamagandang ganti ang huli niyang naisip. Kapag natiyempuhan niya ito, gagawa siya ng eksena. Ha-ha-ha! Tingnan niya kung ano ang gagawin ni Puri!
MAKALIPAS ang isang linggong pag-aabang sa isang mall sa Makati, nagkaroon ng bunga ang paghihintay ni Dick.
Nakita niya si Puri! Pero nag-iisa ito. Sinundan niya. Nasaan kaya si Tanda? Wala siyang makita.
Nang inaakala ni Dick na kailangang makita na siya ni Puri, tinawag niya ito.
“Puri!”
Lumingon si Puri. Natakot. Binilisan ang lakad.
(Itutuloy)