HUWAG madaliin ang pagpili sa bagong hepe ng Bureau of Corrections (BuCor). Ang pagmamadali, karaniwang bungi ang napipili. Sunud-sunod ang mga nangyaring kapalpakan sa National Bilibid Prisons (NBP) na nasa ilalim ng pamamahala ng BuCor. Dalawang BuCor chief na ang naitalaga ni President Aquino at pawang hindi maganda ang kinahantungan.
Unang itinalaga ni P-Noy bilang BuCor director si Ernesto Diokno noong 2010. Pero nagkaroon ng alingasngas nang mabuking na nakakalabas-masok sa NBP si dating Batangas governor Antonio Leviste para bisitahin ang kanyang office building sa Makati. Si Leviste ay nakakulong dahil sa kasong pagpatay.
Nagbitiw si Diokno at mabilis na hinirang ni P-Noy si Gaudencio Pangilinan bilang bagong BuCor chief. Pero nabatbat na naman ng kung anu-anong kontrobersiya ang kanyang hinirang. Pinaka-matindi, ang pagkakakidnap kay convicted murderer Rolito Go sa loob mismo ng NBP. Dinala si Go sa isang lugar sa Batangas at pinatubos umano ng mga kidnaper. Kasamang kinidnap ni Go ang pamangking nurse. Makaraang mabayaran ang ransom, pinalaya na sina Go.
Nag-voluntary leave sa loob ng apat na buwan si Pangilinan. Bago sumapit ang Pasko, tuluyan nang nagsumite ng resignation paper si Pangilinan. Ang pagbibitiw ay inihayag ni Justice secretary Leila de Lima. Bago ang pagbibitiw, marami pang nangyaring kapalpakan sa NBP --- may inmate na naghagis ng granada, may inmate na naitakas ng mga nagpanggap na abogado at may drug trafficking na nagaganap, sangkot umano ang mga prison guard.
Ikatlong pagkakataon na magtatalaga si P-Noy ng BuCor director at sana huwag siyang padalus-dalos. Pag-isipan at pag-aralan muna kung karapat-dapat ang itatalaga. Masyadong mabaho ang NBP kaya ang nararapat ay matapat na pinuno na kayang linisin ang pambansang bilangguan.