Una sa lahat ay nais ko na munang batiin ang ating mga readers ng isang Maligayang Bagong Taon sa inyong lahat. Nawa ay maipagdiwang natin ang pagpasok ng bagong taon na mapayapa at ligtas.
Mamaya siguradong mamayani na naman ang ingay sa buong kapuluan sa pagsalubong sa 2013, nakaalerto hindi lamang ang mga pagamutan sa bansa sa mga magiging biktima ng paputok kundi maging ang kapulisan sa anumang mga kaguluhan na maaaring maganap.
Bagamat hanggang kahapon, ayon sa mga manufacturer ng paputok lalu na sa Bulacan sinasabi nilang malaki ang ibinaba ng kanilang benta, ewan lang natin sa maghapong ito. Maaaring yung iba hinihintay ang mga last minute na bilihan dahil sa inaasahang bababa na ang presyo nito. Siyempre ibabagsak na ng mga nagtitinda ang presyo mabili lamang ang kanilang paninda dahil sa mahirap na itong iimbak pa.
Kahit yata anung paalala ang gawin laban sa panganib ng mga naglalakasang paputok na nauuso, meron at meron pa ring malalakas ang loob na talagang sumasabak pa sa paggamit nito.
Talaga yatang hindi na maaalis ang ganitong nakaugalian, pwede namang mag-ingay ng hindi na malalagay sa panganib ang katawan.
Kung talagang gugustuhin ng pamahalaan na tuluyang maalis ang mga delikadong paputok sa tuwing sasapit ang pagse-celebrate sa New Year, aba’y dapat na talaga ang total ban sa mga paputok.
Nagagawa na ito sa maraming bansa, bakit hindi magawa sa atin. Kung kailangan ang batas ang daling gawin at sigurado naman na hindi ito tutulugan kung hindi man pwede na ang mga ordinansa ng mga local na pamahalaan.
Dapat na lamang na maglaan ang mga lungsod o munisipalidad ng designated area para sa mga pailaw o fireworks na ang magsisindi ay mga eksperto at syang papanoorin na lamang ng mga mamamayan.
Kung masisimulan ang tu luyang pagbabawal sa paputok marahil ay unti-unti nang masasanay ang taumbayan sa ganitong gawi.
Sana ay masalubong natin ang bagong taon ng masaya, mapayapa at ligtas at higit sa lahat taglay ang buhay o walang naalis sa anumang parte ng katawan.
Muli Happy New to all!