Personal: Be careful…

UGALI kong mag-day dreaming noong bata ako. Sa day dreaming ko lang nararanasan ‘yung mga bagay na hindi ko magawa sa totoong buhay. Kagaya halimbawa ng pagpipiyano. Gusto kong mag-aral ng pagpipiyano kagaya ng classmates ko, kaso mahal ang tuition. Hindi kaya ng parents ko ang ganoong karagdagang gastos. Sa day dreaming, nakakapagpiyano ako. Para mas lalo kong feel ‘yung pagpipiyano, kinukuha ko ‘yung sangkalang malapad ni Nanay bilang piyano. Ipapatong ko ito sa mesa at buong gilas kong titipain ang imaginary keys nang buong husay. Pinapanood ako ng aking dalawang kapatid habang tawa nang tawa with matching comment, “Si ate…parang tanga!”

High school na ako ay active pa rin ako sa pagde-day dreaming lalo na pagkatapos pagalitan ng aking ina. Sa day dreaming, nasasagot ko si Nanay nang “pabalang”. Nasasabi ko sa kanya ang lahat ng reklamo ko sa kanya at sa aking ama. Nagsasalita talaga akong mag-isa. Minsan sa sobrang asar ko, nai-wish kong sana’y nag-iisa na lang ako sa buhay. Sana’y mawala na lang na parang bula ang aking tatay, nanay at ang dalawa kong kapatid. 

Isang araw ay nag-absent ako dahil inihatid namin sa airport ang aking tatay. Nagsisimula na siyang mag-abroad noon. Kinabukasan ay pumasok ako na walang ideya na recognition day pala para sa first grading nang araw na iyon. Ganoon sa aming school, every grading period ay sinasabitan ng ribbon ang top ten students kasama ang parents.

Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakasama ako sa top ten. Ako ang kulelat na number 10. Nang tinawag ang pangalan ko at umakyat sa stage, mukhang pinagwelgahan ako ng aking pamilya. Hindi ko man lang nabitbit ang aking nanay. Nagkataon pa na kaaalis lang ni Tatay. Sayang. Siguradong proud na proud sila at mag-aagawan kung sino ang aakyat sa stage. Wala palang kuwenta ang tagumpay kung wala ang mga mahal mo sa buhay. Ang adviser ko na lang ang nagsabit  sa akin ng ribbon. Kinunan kami ng school photographer.  Capture na capture sa camera ang lungkot sa aking mukha. Totoo pala ‘yun kasabihan: Be careful what you Wish for, because it might come true!

Show comments