Editoryal - Maraming Niños inocentes at malnourished

SA tala ng Bibliya, maraming bata ang minasaker ng mga sundalo ni Herodes. Ito ay dahil na rin sa utos ni Herodes na patayin ang mga sanggol na isang taong gulang pababa. Ito ay para makasiguro na hindi siya maaagawan ng kapangyarihan sapagkat nalaman ni Herodes na isinilang na ang anak ng Diyos na maghahari sa mundo. Natakot si Herodes kaya ipinapatay ang mga sanggol sa Betlehem. Lingid kay Herodes, nakaalis na sina Jose at Maria kasama ang sanggol.

Marami ring inosenteng bata sa Pilipinas at ang matindi ay malnourished pa sila. Ayon sa Department of Education (DepEd) 562, 262 ang mga batang estudyante sa public elementary school (Grade 1-6) ang kulang sa nutrisyon ang katawan. Ang report ay ginawa noong Agosto 31, 2012. Ayon sa DepEd, ang mga batang malnourished na ito ang target ng kanilang feeding program. Kapag daw naisakatuparan ang kanilang programa sa mga bata, magiging regular na ang pagpasok nila sa school. Karamihan din umano sa mga bata ay pumapasok sa school na walang laman ang tiyan.

Hindi na nakapagtataka kung bakit marami sa mga bata ngayon ang mahihina ang ulo at hirap na hirap na maintindihan ang turo ng mga guro. Kulang na kulang sila sa pagkain. Napakahirap maintindihan ang mga itinuturo ng guro kapag walang laman ang sikmura. Paano makakapag-prodyus ng mga bagong lider sa hinaharap kung ang mga batang mag-aaral sa public ay namumutla sa gutom?

Ngayong papasok na taon, sana’y maisakatuparan ng DepEd ang kanilang feeding program sa mga bata. Punuin ang kanilang mga tiyan para magkaroon din ng laman ang kanilang ulo. Imposibleng yumaman ang ulo kung walang inilalaman sa bituka.

 

Show comments