NOONG nakaraang linggo, nagsagawa ng survey ang Pulse Asia kung paano haharapin ng mga Pinoy ang 2013. Lumabas sa survey na 87 percent ng mga Pinoy ay positibong gaganda ang kanilang buhay sa papasok na taon. Malaki ang kanilang pag-asa na ang lahat ng kanilang mga pangarap ay magkakaroon ng katuparan sa 2013. Taun-taon, sa mga survey, ay lagi nang mataas ang pagtingin ng mga Pinoy sa mga mangyayari sa kanilang buhay sa bagong taon. Nagpapakita lamang na ang mga Pinoy ay punumpuno ng pag-asa sa buhay.
Katulad din ng mga sinalanta ng bagyong Pablo sa maraming bayan sa Davao Oriental at Compostela Valley. Ilang bayan sa Davao Oriental ang halos binura sa mapa ng bagyong Pablo dahil sa lakas ng hangin na umabot sa 200 kph. Dumapa lahat ng pananim at nawasak ang maraming bahay at gusali. Maraming tinangay ng baha. Sa Compostela Valley, sinagasaan ng baha na may kasamang troso at malalaking bato ang mga kabahayan. Mistulang winalis ang bawat daanan. Sa sobrang lakas ng agos, maraming tulay ang nawasak.
Umabot na sa 1,062 ang mga namatay sa pananalasa ni Pablo at ayon sa National Disaster Risk and Reduction Management Council (NDRRMC) maaaring umabot sa 1,500. Mahigit 800 pa ang hinahanap. Si Pablo ay itinuring na isa sa mga pinaka-mapinsalang bagyo na nanalasa sa Pilipinas mula 1941.
Maraming residente ang nasa evacuation centers at doon na nagselebreyt ng Pasko. Tanggap na nila ang kapalaran. At sa kabila ng dinanas na trahedya, nakangiti pa rin sila. Buung-buo pa rin ang kanilang pag-asa na ang mga nasira ng bagyo at tinangay ng baha ay muling mapapasakanila.
Kabilang sa mga umaasa ay ang mga sundalong nakaligtas sa ngitngit ni Pablo sa Compostela. Apat nilang kasamahan ang nalunod nang ang kanilang truck ay tangayin nang malakas na agos. Nagsasagawa sila nang rescue operations nang magka-flashflood. Ang dalawang nakaligtas na sundalo ay hindi malilimutan ang pangyayari na mas matindi pa sa mga naranasan nilang enkuwentro sa mga rebelde. Sa kabila ng lahat, malaki pa rin ang kanilang pag-asa na makaka-rekober. Ayon sa kanila, natumba sila pero muling babangon.
Ngayong Pasko, punumpuno ng pag-asa ang maraming tao. Ang kapanganakan ni Hesus ay isang pag-asa.
Maligayang Pasko sa lahat!