Modus!

Inasahan ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang pagtaas ng krimen nitong buwan ng Disyembre  partikular ang mga nakawan, holdapan at crimes against property na sinasabi.

Sa buwan din ng Disyembre nasumpungan ang ibat-ibang modus para lamang makakulimbat sa kanilang kapwa.

Walang pinipiling edad ang mga gumagawa nito, mapa-bata o matanda talagang kahog sa ibat-ibang modus.

Hindi nga ba’t sa Maynila lamang, huli ang isang 80-anyos na lolo sa CCTV nang mangulimbat sa loob ng isang cellphone shop sa mall sa Maynila.

Biruin ba ninyong sa ganong edad kitang-kita sa video kung paano sumalisi ang lolo para mailusot ang isang box ng cellphone na nagkakahalaga ng tatlong daang libong piso.

Huli ang lolo na nakilalang si Rogelio dela Rosa, alyas Tiki, na napag-alaman ng pulisya na   may dati na palang kaso ng robbery at theft.  Ang kakutsaba ni lolo sa pananalisi isang babae na siyang kumuha sa kahon ng cellphone.

Usapang modus naman ng mga bata, naku, sangkaterba yan.

Mamamalas sa mga pangunahing lansangan ang paglilimos at panghihingi ng mga paslit na ito sa mga lansangan.

Kung dati may kanta na kasama ang kanilang panghihingi, ngayon sobre na talaga ang dala ng mga ito na basta na lang iaabot sa yo.

Ang nakakatakot nga gaya ng nabanggit na natin dati napakapanganib ng mga ito sa mga lansangan, madalas humahabol pa ang mga ito sa mga tumatakbong sasakyan.

Sana mabigyan ito ng pansin ng DSWD at ng mga lokal na pamahalaan, may modus pa nga na kunwari eh may sugat sugat o dugo-dugo ang mga ito sa katawan o kaya magpipilay-pilayan para lalung kaawaan.

Isama pa ang mga nagpapanggap na badjao na may kar­gang mga sanggol na hinuhubaran para kahabagan.

Hindi lang sa kalye masusumpungan ang iba’t ibang modus ngayong holiday season, maging sa mga bahay-bahay, sangkaterba ang kakatok o magdo-door bell sa inyong mga tahanan may dalang mga sobre at namamasko raw.

Oo nga’t masarap magbigay kaysa sa tumanggap, pero ang punto rito baka gawin nang hanapbuhay ang pang­hihingi dahil sa nahirati na malaki ang kanilang kinikita sa ganong pamamaraan lalu’t makikita mo na kaylalaki ng katawan at ang lalakas naman ay namamalimos sa lansangan.

Kailangan din naman ang pag-iingat ng ating mga ka­babayan sa iba’t ibang modus na nauuso lalo na sa ganitong panahon, siguradong marami pang susulpot na mga pamamaraan ang mga kawatan, baka kayo malinlang.

 

Show comments