KUNG mayroon mang magandang magagawa sa pagpasok ng 2013, ito ay ang paghinto sa pag-inom ng alak at paninigarilyo. Ipangako ito sa sarili. Tinulungan na ang sarili para makaiwas sa sakit ay matutulungan din ang pamahalaan. Kapag tumigil sa mga bisyo, hindi na magkakasakit kaya wala nang gagastusan ang pamahalaan. Makakatipid na.
Tamang-tama rin ito sa pagkakabatas ng Sin Tax bill. Nilagdaan na ni President Aquino ang Republic Act 10351 (An Act Restructuring the Excise Tax on Alcohol and Tobacco). Ang pagpapataw nang malaking tax sa alak at sigarilyo na magkakabisa sa Enero 1, 2013. Sa pagtaas ng tax, tiyak na tataas din ang presyo ng alak at sigarilyo. Hindi nangimi si P-Noy na pirmahan ang batas kahit pa apektado rin siya nito. Smoker si P-Noy pero sa kabila nito, lantaran ang pagsuporta niya sa Sin Tax bill. Dalawang mahalagang bagay ang mapapakinabang sa RA 10351. Una, malaking pera ang papasok sa kaban ng bansa. Nasa P33.96 billion ang kikitain ng pamahalaan sa susunod na taon. Ang kikitaing tax ay mapupunta naman sa health care program ng mamamayan at sa mga magsasaka ng tabako.
Ikalawang pinakamahalagang makukuha sa RA 10351 ay mababawasan na ang mga magkakasakit. Tiyak na maraming titigil sa paninigarilyo at pag-inom ng alak dahil ubod nang mahal. Araw-araw, maraming Pinoy ang namamatay dahil sa sakit na nakukuha sa alak at sigarilyo.
Sabi ni P-Noy, makaraang lagdaan ang batas, isang tagumpay ito para sa nakararaming Pilipino. Malaki ang maitutulong para makalaya sa bisyo ang mga Pilipino. Isang magandang pamasko sa lahat ang RA 10351.
Tama ang sinabi ng presidente, marami ang makakalaya sa bisyo sa pagpapatupad ng batas. Panahon na nga para tumigil sa bisyong alak at sigarilyo. Sa pagpasok ng Bagong Taon, iwaksi na ang mga ito. Mas maganda kung mangunguna ang Presidente sa pagtalikod sa yosi kadiri.