ISANG bentahe nang mabilis na pagdaan ng panahon ang paglipas ng mga bagay o pangyayari na nakakainis, nagdudulot ng kaba at pagkataranta sa maraming tao kahit walang basehan, at nagpapagulo sa araw-araw na pamumuhay ng lipunan.
Isang halimbawa riyan ang ilang siglo o dekada nang tsismis na magugunaw umano ang mundo sa Disyembre 21, 2012. Nagkaroon pa nga ng pelikula hinggil dito. Sinasabing pinagbabatayan ng hula ang kalendaryo ng sinaunang sibilisasyong Mayan na nagsasaad na magwawakas na ang ating mundo sa 21/12. Noong una nga ay Disyembre 12, 2012 pero dumaan ang petsang ito na walang naganap na anumang delubyo at narito pa rin tayo, buo at humihinga. Nabasa pa rin ninyo ang kolum na ito.
Pero dumaan na rin ang Disyembre 21 na walang planetang (Nibiru raw ang pangalan) na sumalpok sa Daigdig, walang naganap na dambuhalang lumiliyab o nagningas na apoy mula sa araw (solar flare) na iihaw daw sa mundo, at walang asteroid na pumuksa sa sangkatauhan (na tulad ng pumatay sa lahat ng mga dinosaur noong unang panahon). Hindi nabiyak ang kalupaan at walang naganap na tsunami. At ang sinasabing solar flare ay taun-taon na palang nagaganap sa Daigdig at tanging naaapektuhan lang ang mga satellite at communication gadgets. Hindi ito umaabot sa lupa.
Matagal nang nililinaw at pinabubulaanan ng mga astronomer lalo na ng National Aeronautics and Space Administration (NASA) ang mito ng Mayan Doomsday. Sa isang isyu ng Scientific American noong nakaraang Marso, ipinaliwanag ng NASA na, kung totoo ang hulang ito, malayo pa lang ay namataan na sana ang Nibiru o anumang planeta at nagmimistula sanang liwanag na palaki nang papalaki habang lumalapit sa Daigdig. At bago pa umano sana ito makalapit, nagulo na dapat nito ang orbit ng Daigdig at ng kalapit nitong planetang Mars. Kaya nga hindi ito pinapaniwalaan ng mga astronomer.