APAT na lalaki ang nag-trip sa Siberia. Sasamantalahin nila ang warm season para malibot ang lugar. Dumaan sila sa ilog para marating ang mga ninanais na lugar.
Pero inabutan sila nang matinding snow sa lugar. Hindi nila akalain na magyeyelo ang lugar. Dahil doon, hindi na sila makadaan sa ilog sapagkat nagyelo na iyon.
Naglakad sila sa kagubatan. Hanggang sa abutin pa sila nang grabeng pagyeyelo. Hindi nakayanan ng dalawa nilang kasamahan ang lamig at namatay ang mga ito. Tanging sina Aleksandr Abdulaev at Aleksey Gorulenko ang naiwang buhay.
Apat na buwan sila sa nagyeyelong Siberia bago nailigtas.
Nang tanungin ang dalawa kung nasaan ang dalawa pang kasamahan, hindi makasagot ang mga ito.
Pinagpatuloy ang paghahanap sa dalawa hanggang sa makita ng rescuers ang bangkay ng isang nawawala. Halos maubos na ang laman nito. Ang isa pa ay nakita sa itaas ng isang kahoy na wala na ring laman.
Inamin ng dalawa na kinain nila ang dalawang kasamahan para makaligtas. Pero ang mga ito raw ay patay na bago nila kinain. Namatay daw sa sobrang ginaw.