LIMANG taon na ipinaglaban ng isang babaing Australian ang kanyang kaso para makakuha ng compensation. Nawawalan na ng pag-asa ang empleada (hiniling na huwag na siyang pangalanan) dahil limang taon na siyang nakikipaglaban. Pero ganoon na lamang ang kanyang katuwaan nang lumabas ang desisyon ng korte na panalo siya. Pinagbabayad ang gobyerno dahil sa mga sugat na natamo ng babae habang nakikipag-sex sa tinuluyang motel.
Ayon sa babae, nagkaroon siya ng sugat sa ilong at bibig habang nakikipagtalik sa motel. Bumagsak umano ang bombilya sa kanyang mukha habang nasa kaigtingan ng pakikipagtalik. Maluwag daw ang socket ng bombilya kaya bumagsak.
Ayon sa babae, nasa motel siya ng panahong iyon sapagkat mayroon siyang ginagampanang mahalagang trabaho na may kaugnayan sa gobyerno.
Ayon naman sa mga abogado ng gobyerno, hindi dapat managot ang gobyerno sapagkat hindi naman nito ini-encouraged o kino-condoned ang sexual activities ng babae. Wala raw responsibilidad ang gobyerno sa ginawang pakikipagtalik ng babae.
Pero binasura ng court ang argumento ng mga abogado ng gobyerno. Ang pananaw daw ng gobyerno ukol sa pakikipagtalik ng babae sa motel ay irrelevant.