NAKAPANGHIHINAYANG dahil halos abot-kamay na natin ang korona upang masungkit ang titulong Miss Universe sa katauhan ng ating pambatong si Janine Tugonon na ang nakuha ay ang first runner-up o pangalawa sa nasabing patimpalak.
Mas nakapanghihinayang ito kumpara sa mga nakaraang pambato natin na nakapasok sa top 5 pero itong kay Janine ay masyadong dikit at masasabing nasilat lang ni Miss USA Olivia Culpo.
Noong sina Shamcey Supsup at Venus Raj ay hindi naman sila napili sa Top 2 pero itong kay Janine ay masyadong dikit subalit hindi pa yata talaga panahon upang masungkit ang nasabing korona.
Matagal na rin kasi huling nakakuha ang Pilipinas ng korona bilang Miss Universe; at ito ay sina Gloria Diaz noong 1968 at Margie Moran noong 1973.
Magaling si Janine at masasabing nasilat lang ito ng Miss USA at dagdag karangalan sana ito sa naunang tagumpay ng boksingerong Pinoy na si Nonito “the Filipino Flash” Donaire na nagpabagsak sa Mexican boxer na si Jorge Arce.
Pakunswelo sana ito sa Pilipinas lalo na sa mga Pilipino na tinamaan ng bagyong Pablo kung nasungkit natin ang titulong Miss Universe sa gitna pa rin ng naghihirap na bansa.
Magkakasunod na puro runner up lang ang Pilipinas mula taong 2010 hanggang 2012 at sana sa susunod na pagkakataon ay makuha na natin ang korona.
Kahit papaano ay may dumarating na karangalan sa Pilipinas tulad sa larangan ng boksing at beauty pageant at hindi lang puros mga kasiraan o kapangitan ng bansa.
Sana ay magsilbing inspirasyon ito sa mga kababayan natin na tila nawawalan na ng pagasa para sa ating bansa dahil na rin sa kagagawan ng ilang mga pulitiko natin at iba pang opisyal ng gobyerno lalo na ang may mga kinalaman sa katiwalian at sobrang pagmamaniobra sa kapangyarihan.
May magandang pakunswelo rito sa pagkakapanalo ni Janine Tugonon dahil hindi man lang nakadikit sa kanya ang Miss Mexico na mahigpit namang katunggali ng Pilipinas sa larangan ng boksing.
Siguro ay panahon na talaga na pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang aspetong ito na tumulong sa paghubog ng mga isasabak na boksingero gayundin sa mga beauty pageant dahil may malaking tsansa ang Pilipinas na masungkit ang titulo o karangalan.
Madalas kasi na kinikilala lang ng gobyerno ang galing ng mga Pinoy kung ito ay nakakuha na ng titulo o karangalan na mas marapat ay tumulong sa paglimbag o paghubog ng isasabak natin sa mga ganitong kompetisyon.
Boksing at pagandahan ay puwedeng makipagbanggaan ang Pilipinas sa iba’t ibang malalaking bansa samantalang sa iba pang sports ay medyo tagilid tayo ay hayaan na natin ito sa ibang mga lahi.
Tulad sa basketball at football ay tila maraming bigas pa tayong kakainin ’ika nga at kinakailangan pa nating kumuha ng mga mestiso o may kalahating lahing dayuhan tulad sa Azkals at PBA na tinatawag nating mga Fil-Am players at iba pang lahi.