Kindness

IKALAWANG istorya ng kabaitan ng isang tao sa kapwa niya.

May isang OFW na first time magtrabaho sa Saudi kaya madalas ay nakakadama siya ng pagkainip. Basta’t may nabalitaan siyang kakilala na malapit sa kanyang kinaroroonan, hindi siya nagdadalawang-isip na puntahan ito para makipagkuwentuhan. Isa iyon sa paraan niya para maibsan ang homesickness na nadadama.

Noong siya ay nasa Pilipinas, nagtrabaho siya sa isang publishing company kung saan marami siyang nakilalang mga OFW sa Saudi dahil sumusulat ito sa kolum na pinamamahalaan niya para ipalathala ang kanilang mga pangalan sa pen-pal kolum at jokes contribution na noon ay sikat na sikat. May natandaan siyang address ng isang OFW na naging contributor nila.  Nasa Riyadh din ito at malapit lang ang opisina nito sa kanyang tini­tirahang villa. Pinuntahan niya ang lalaki at buong katuwaan na ipinakilala ang sarili. Aba, malamig ang pagtanggap sa kanya. Hindi naman niya inaasahang  “magpapista ang lalaki at salubungin siya ng banda” pero iniwan lang siyang nakaupo sa waiting area at hindi na binalikan pagkatapos magpalitan  ng hi and hello. Isang kaopisinang Pinoy ng supladong lalaki ang nakakita sa kanya. Mas mabait ang lalaking ito. Ipinagtimpla siya ng tsaa at binigyan ng tinapay. Naging instant friends sila ng mabait na lalaki sa maikling  oras na iyon.

Lingid sa kaalaman ng bawat isa, pareho silang nagpasya na umuwi na sa Pilipinas at dito na lang ipagpatuloy ang paghahanapbuhay. Ang una ay muling nakapasok sa publication company samantalang ang mabait na lalaki ay nagpatuloy pa rin sa kanyang pagiging artist. Ang lalaking nasa publication company ay nangailangan ng artist sa kanyang mga sinusulat kaya’t ang mabait na kaibigan ang kanyang kinontak. Ngayon magkasama na sila lagi sa “raket”. Ang artist ay nagkaroon ng karagdagang kinikita hindi dahil sa kaibigan niyang nasa publication company kundi dahil sa kanyang kabaitan.

Show comments