Kindness

MAS malayo ang nararating ng mabait kaysa matalino. May magpinsang babae na parehong maganda, sina Marissa at Ivy. Ang pagkakaiba nila, prangka at may kaunting kasupladahan si Ivy kaysa kay Marissa na mas tahimik at mapagkumbaba. Matalino kasi kaya may superiority complex si Ivy. Sinusuplada niya ang mga manliligaw na sa tingin niya ay hindi umabot sa kanyang “standard”. Ang masama, nang may manligaw na pogi at type na type niya, “sumunggab” kaagad ito nang hindi nag-iisip kaya “naisahan”. Ang malungkot, naging ina siya pero walang amang kinilala ang anak. Ang kamalasan ay na­ging sunud-sunod sa buhay ni Ivy. Hindi napraktis kahit kailan ang kanyang pinag-aralan sa sikat na unibersidad dahil parang nawalan na siya ng tiwala sa sarili. Wala na akong balita kung paano niya binuhay ang kanyang anak. Hindi na siya nagkaasawa dahil ayon sa kanya, wala nang dumating na manliligaw sa kanya. Bumaliktad ang kanyang kapalaran, siya naman ang sinuplado ng mga kalalakihan.

Nakatapos ng kolehiyo si Marissa sa isang maliit na kolehiyo sa probinsiya. Hindi siya kasingtalino ng kanyang pinsan. ’Yun bang kailangan pang magnobena sa mga santo para makapasa sa major subjects kagaya ng Math at English. Pero masarap siyang kaibigan dahil mabait. Pinakikitunguhan niya nang maayos ang lahat ng kanyang manliligaw, pangit man ito o pogi na type niya. Iyon kasi ang ipinapangaral ng kanyang ina. Maging mabait sa lahat ng manliligaw para igalang ka nila. Isang lalaki ang ipinakilala sa kanya ng isang kaibigan. Niligawan siya at nang magtagal ay naging boyfriend niya. Lingid sa kanyang kaalaman, ang lalaki ay may magandang trabaho sa US. Hindi niya ipinagsasabi na siya ay green card holder dahil karamihan sa mga babaeng nakilala niya ay iyon lang ang habol sa kanya.

Maganda na ang buhay ngayon ni Marissa sa US. Malayung-malayo na ang distansiya niya sa pinsang si Ivy, kung level ng pamumuhay ang pag-uusapan. Of course, maraming factors, pero ang kanyang kabaitan ang naging pangunahing dahilan kaya malayo ang kanyang narating.

Show comments