LAMPONG (148)
NANG sumagot ang babaing tinanong ni Dick ay bantulot. Parang nabigla sa tanong niya kung pumasok si Puri.
‘‘A e wala pa po si Puri,’’ sabi ng babae.
‘‘You mean, hindi pa pumapasok o hindi pa lang siya dumarating.’’
“A e hindi pa po… hindi pa po pumapasok.’’
“Nasa seminar pa rin ba siya?’’
‘‘A e opo. Nasa seminar po yata.’’
‘‘Kailan kaya siya papasok?’’
‘‘A e hindi ko po alam. Kasi po bago lang ako rito.’’
“A okey sige, thank you.’’
Tumalikod na si Dick. Nagpatuloy naman sa pagla-lakad ang babae. Nang lu-mingon siya ay nakatingin din pala ang babae sa kanya. At biglang binawi ng babae ang tingin. Pakiramdam ni Dick ay may itinatago ang babae. At saka parang alinlangan itong sumagot. Para bang umiiwas. Pero baka nga naman hindi nito alam dahil bago pa sa opisina. Baka wala pa siyang alam sa mga nangyayari sa office. At malay niya, baka hindi naman sila magkadepartamento ni Puri kaya wala siyang alam ukol dito. Ang alam niya maraming department ang opisina nina Puri.
Kinagabihan, biglang nag-ring ang phone ni Dick na nakapatong sa mesita sa salas. Nasa kusina siya at naghahanda ng kanyang hapunan. Tinakbo niya ang kinaroroonan ng cell phone. Baka si Puri na ang tumatawag.
Pero hindi si Puri kundi ang kuya niya na nasa Sydney.
“Hello, Lampong,” sabi ng kuya niya kasunod ang tawa.
“Hello Kuya.’’
“How are you, Lampong?’’
“Oks lang Kuya. Kayo, okey ba naman diyan.’’
“Okey naman kami. Ikaw, okey ba ang kalampungan mo?’’
Nagtawa si Dick.
“Okey pa naman.’’
“Ano ngang pangalan ng latest mong kalampungan?’’
“Puri, Kuya.”
“Wow Puri. Ganda ng pangalan. Okey naman siya?’’
“Ayos lang.’’
“Okey naman ang pagsasama kahit walang kasal?’’
“Oo.’’’
“Wala kayong balak mag-anak?’’
“Kuya maligaya kami sa ganitong sitwasyon na wa-lang anak. Dagdag lang sa responsibilidad ang anak.’’
“Talagang hindi na mababago ang paniwala mo.’’
“Hindi na Kuya.’’
Napa-tsk-tsk ang kuya.
“Kasama mo ba si Puri ngayon dyan sa bahay mo?’’
‘‘Hindi Kuya.’’
‘‘Bakit hindi? Nasaan siya?’’ (Itutuloy)
- Latest