H INDI na nagsalita pa si Dick makaraang tarayan ni Puri sa phone. Kung sasagutin pa niya ang biglang pagtataray nito ay baka mauwi lamang sa hindi maganda. Isinara na niya ang phone para makaiwas sa away. Siya na ang magpapasensiya kay Puri. Siguro’y masyadong marami nang iniisip at baka nababagot na sa seminar sa Baguio. Ang sobrang tagal nang seminar ay nakakaburyong sa utak.
Pero sa kabilang banda, dapat bang siya ang pagbuntunan ni Puri ng pagkaburyong. Unfair naman yata sa kanya. Ang dahilan lang naman ng kanyang pagtawag ay para kumustahin kung talaga bang tuloy na ang pag-uwi ngayong araw na ito. Siya naman ang nagsabi noong isang araw na ngayon ang uwi niya. Masama ba na magtanong kung ngayon ang uwi niya. Walang makitang masama roon si Dick. At isa pa, talagang nasasabik na siya kay Puri. Sa ipinakita nitong pagtataray sa kanya, parang walang nadamang pagkasabik dito. Napabuntung-hininga na lamang si Dick.
Naisip niya na huwag nang tawagan si Puri kahit kailan. Lumalabas na siya lamang ang atat na atat dito. Titingnan niya kung magkukusa itong tawagan siya. Makikita niya kung talagang may halaga pa siya kay Puri.
PERO lumipas ang isang linggo ay walang natanggap na tawag o text kaya si Dick mula kay Puri. Ano na kaya ang nangyari kay Puri? Tiniis niyang huwag tawagan. Baka tarayan lamang siya.
Pero habang lumilipas ang araw ay nakadarama nang pagkasabik si Dick kay Puri. Tawagan na kaya niya? I-text kaya niya?
Litung-lito si Dick.
Hanggang sa maisip niya na puntahan kaya ang opisina nito. Malay niya baka narito na pala si Puri at nagreport na sa office nila.
O puntahan kaya niya ang unit nito.
Napailing si Dick. Huwag sa unit. Baka naroon si Jinky at may mangyari.
Sa office na lang ni Puri siya pupunta.
(Itutuloy)