Editoryal- Paigtingin, pagsamsam sa mga di-lisensiyadong baril

ARAW-ARAW ay may nangyayaring krimen. At lahat nang krimen ay ginagamitan ng baril. Kamakalawa, isang may-ari ng tindahan ng motorcycle spareparts sa Payatas, Quezon City ang pinagbabaril ng riding-in-tandem.  Binubuksan ng 34-anyos na may-ari ang kanyang tindahan nang lapitan ng riding-in-tandem at pagbabarilin. Namatay noon din ang lalaki. Mga basyo ng bala mula sa kalibre 45 umano ang nakuha sa pinangyarihan ng krimen.

Noong Lunes, isang barangay chairman sa Tondo ang pinagbabaril din at napatay. Nakatayo lamang ang 46-anyos na chairman sa tapat ng isang tindahan nang lapitan ng dalawang lalaking nasa edad 50 at pinagbabaril. Namatay noon din ang chairman. Mabilis na tumakas ang mga killer. Kalibre 45 rin ang ginamit na baril.

Sunud-sunod ang mga krimen na ang gamit ay baril. Tila ba nagkalat na talaga ang baril ngayon at wala nang patumangga kung gamitin. Bukod sa pagpatay, ginagamit din ng mga holdaper ang mga matataas na kalibre ng baril para makapagnakaw sa mga pawnshop at money changers. Sa kasalukuyan, paboritong hol­dapin ang mga convenient stores at mga express padala. Wala nang takot kung mangholdap. Nalalaman marahil ng mga kawatan na walang kakayahan ang PNP na makapagpatrulya.

Sinabi naman ng PNP na mayroong 552, 380 baril na hindi pa nire-renew ng mga may-ari. Nananawagan ang PNP sa mga may-ari na mag-apply para sa new permit para hindi nila kumpiskahin ang mga ito. Magsasagawa umano ng pagbisita ang mga pulis sa mga bahay ng gunowners para ipaalala na mag-renew ng permit.

Hindi kaya ang mga baril na hindi pa nare-renew ang ginagamit para sa krimen? Sa sinabing bilang ng PNP sa loose firearms, nakakapagbigay ng pangamba na baka nga nagagamit ang mga ito sa kasamaan.

Paigtingin ng PNP ang pagsamsam sa mga baril. Maglagay ng checkpoints para masabat ang mga baril. Tiyak na dadami pa ang krimen ngayong papalapit ang kapaskuhan.

 

Show comments