LAMPONG (143)

ILANG beses pang tina­wagan ni Dick si Puri pero laging may pumipindot at wala namang sumasagot. Nagtataka siya. Hindi kaya binobosesan siya? Pero bakit naman gagawin ni Puri iyon? Bakit kailangan siyang bosesan?

Tatawagan niya si Puri para matiyak kung kailan ang balik nito galing sa Baguio. Ang alam niya, ngayong araw na ito ang dating ni Puri mula Baguio. At kaya niya ngayon tinatawagan ay dahil alam niyang nasa bus na ito at pababa na ng Baguio.

Baka naman may problema sa phone ni Puri. O dahil mabilis ang takbo ng bus na sinasakyan nito?

Hindi na niya ito tinawagan. Kapag narito na si Puri sa Maynila saka niya tatawagan. O baka naman siya ang tawagan mamayang gabi.

Pero hinding-hindi siya pupunta sa unit ni Puri. Ayaw niyang makita o makaharap si Jinky. At saka baka na naman may mangyaring hindi maganda at mahulog na siya sa bitag.

Pero hindi tumawag si Puri kay Dick. Hanggang sa lumalim ang gabi ay wala siyang natanggap na tawag. Dumating kaya mula Baguio. Tiniis ni Dick na huwag tumawag. Baka na naman maulit ang nangyari kanina na para bang binobosesan siya.

 

KINABUKASAN, naghihintay si Dick ng tawag ni Puri. Wala rin.

Kinahapunan, hindi na nakatiis si Dick at tinawagan uli si Puri. Bahala na.

Nag-ring. May sumagot.

“Hello?”

“Hello Puri?”

“Dick?”

“Oo ako nga. Bakit parang gulat na gulat ka?”

“Ha e wala! Wala, Dick.”

“Nasaan ka ba? Naka-uwi ka na ba?”

“Hindi pa. Na-postponed. Baka sa isang araw pa kami makababa.”

“Tumatawag ako kahapon pero hindi mo sinasagot.”

“May problema ang phone ko kahapon.”

“Ah.”

“Sige Dick may inaasikaso pa ako.”

“Sige. Bye.”

Kinabukasan ng umaga, mga alas diyes, nagtungo sa mall si Dick. Gulat na gulat siya sa nakitang babae na palabas ng mall. Si Puri!

(Itutuloy)

Show comments