Nalagay na naman sa kontrobersiya ang New Bilibid Prison (NBP) dahil sa bagong insidente ng takasan.
Itinakas noong Sabado ng umaga ang lider ng ‘Ozamis robbery group’ na si Ricky Cadavero, alyas Kambal.
At eto , ang nagtakas umano kay Kambal ay tatlong lalaki na nagpanggap na mga abogado, pero ang kuwestyon na naman dito paano uli nakapagpasok ang mga ‘abogadong kuno ‘ na mga ito ng baril sa naturang bilangguan na itinutok sa mga jail guard kaya naitakas ang kanilang pakay.
Alas- 6 ng umaga nang dumating ang tatlong lalaki na nagpakilalang abogado sa Reception Diagnostic Center sa West Gate ng NBP. Siyempre dadalawin daw ang kanilang kliyenteng si Kambal pero habang kinakausap ng isa ang bilanggo gumagalaw na ang dalawa pa na tinutukan ang mga prison guard sa gate kaya ayun naitakas si Kambal.
Lulan ng dalawang motorsiklo nakalabas ng compound ang tatlo kasama ang itinakas na bilanggo.
Si Cadavero o Kambal ay nahatulan ng Quezon City Regional Trial Court Branch 215 noon lamang nakaraang taon dahil sa kasong robbery holdup.
Ang nakapagtataka rito, eh paanong naipapasok ang mga armas sa piitan kung talagang mahigpit ang kanilang seguridad o baka naman meron talagang sabwatan.
Hindi nga bat kamakailan lamang nasangkot ang NBP sa kontrobersya kaya nga nagkaroon ng sibakan matapos na sumabog ang granada sa loob din ng compound.
Nauna pa rito ang sinasabing pagkidnap umano kay Rolito Go at sa kanyang pamangkin sa loob din ng piitan ng mga armadong kalalakihan.
Mukhang iinit na naman ang ulo ni DOJ Secretary Leila de Lima sa pangyaya-ring ito.
Biruin bang pinalitan na ang mga jail guard, aba’y nangyayari pa rin ang ganitong mga kontrobersya.
Magkaroon na naman kaya ng mga sibakan dito? Nagtatanong lang po.