Rosaryo
NAKITA kong nasa empty plant box ang ilang imahen ng santo ng aming kapitbahay. Sa tantiya ko ay patapon na ang mga santo kaya lihim akong nagulat. Hindi ko naman ka-vibes ‘yung kapitbahay kaya nagdadalawa akong isip na magtanong kung itatapon na ba nila ang mga santo. Kung Oo ang isasagot, plano kong hingin ito. Mabuti nang maglanding sa aming altar ang mga santo kaysa basurahan. Pero nakita kong kinuha iyon ng isang kapitbahay. Pagkaraan ng ilang araw, nalaman kong lumipat na pala si Neighbor ng ibang relihiyon mula sa pagiging Katoliko. Pagkaraan ng maraming taon, nakulong si Neighbor dahil sa estafa. Ang sabi ng matatanda sa probinsiya, “busong” or bad karma ang tawag dito. Kasi nagtatapon ng santo na parang basura.
May kumare ang aking lola na mula rin sa pagiging Katoliko ay lumipat ng ibang relihiyon na hindi naniniwala kay Mama Mary at sa mga santo. Isang araw nagulat ang aking lola nang makita niyang nasa ilalim ng mga punong saging ang mga pag-aari nitong santo. Nagalit ang aking lola sa kanyang kumare at pinagsabihan ito ng: “Bakit sa halip na itapon mo ay ipinamigay mo na lang sana ang santong iyan! Nasaan pa ang iba mong santo? Ibigay mo na lang lahat sa akin.”
Napuno ng mga santo ang altar ng aking lola. Namatay ang kanyang kumare dahil sa isang mabigat na sakit. “Nabusong kasi” ang teorya ni lola. Nang pumanaw ang aking lola, ang mga santo ay ipinasa niya sa aking tiya. Isang araw ay nakatuwaang itanong ng aking tiya kung may value ng isang lumang santo na ipinamana ng kumare ng aking lola sa isang namimili ng antique. Noon ay mga late 70s. Ang value ng antique ayon sa buyer ay 200 thousand. Pilit na binibili sa aking tiya ang santo pero tumanggi ito. Baka raw pagdating ng araw ay maging isang milyon ito. Inililihim nila ito dahil baka habulin at bawiin ng mga anak ng kumare ni Lola. Tingnan mo nga naman, ang aming pamilya ang nabiyayaan ng langit sa pagsalo ng mga santong ibabasura na sana.
Kagaya ng dapat asahan maraming comment ang lumabas kaugnay ng pagkatalo ni Pacquiao kahapon. Isa na rito ay ang hindi niya pagsuot ng rosaryo at hindi pag-aantanda (sign of the cross) bago ang laban. Nanibago ang mga tao dahil visible na ang mga bagay na ito sa kanya bago mag-umpisa ang laban. Natalo siya ni Bradley noong hindi niya isinuot ang rosaryo. Mas masakit ang pagkatalo niya kahapon, literal na pinataob siya ni Marquez dahil ayon sa mga observers, hindi na siya nagkuwintas ng rosaryo, hindi pa siya nag-sign of the cross. Coincidence lang daw ang nangyari sabi naman ng mga kumokontra sa “rosary and sign of the cross theory”. Sayang, patay na si Lola para mapagtanungan kung busong ba o pagkakataon lang ang nangyari kay Pacquiao.
- Latest