NAGBIBIGAY ng pangamba sa mga magulang ang nangyaring karahasan sa vicinity ng Far Eastern University (FEU) noong Lunes. Tatlong estudyanteng lalaki ang pinagbabaril habang lumalabas umano sa gate ng nasabing unibersidad. Dalawa ang namatay samantalang naisugod sa ospital ang isa pa. Ayon sa mga nakasaksi, naglakad lamang ang mga suspect makaraan ang pamamaril. Para bang bumaril lamang ng manok at nang matumba ay walang anumang umalis. Away sa fraternity ang itinuturong dahilan ng pamamaril. Pero sabi ng mga kaibigan at kaklase, walang kinaaanibang fraternity ang mga biktima. Miyembro umano ng cheering squad ang tatlo.
Kamakailan, isang estudyante ng UST ang pinagtulungang saksakin ng anim na estudyante ng FEU sa mismong loob ng unibersidad. Nanood lamang ng show ang UST student nang maganap ang pananaksak. Sa loob din ng FEU naganap ang pananaksak sa isang basketball player.
Nakapangangamba ang nangyayari na tila wala nang kinatatakutan ang mga gumagawa ng krimen. Maski sa loob ng campus ay naipapasok ang patalim.
Ang kawalan ng pulis ang nagbibigay ng lakas ng loob sa mga criminal para malayang makagawa ng kasamaan. Kung mayroong nagpapatrulyang pulis sa vicinity ng FEU maaaring nadakip ang mga suspect makaraan ang pamamaril. Maski barangay tanod ay walang nakaresponde. Ano ba ang nangyayaring ito? Kung ang mga criminal ay walang takot sa mataong lugar gaya ng Morayta, paano pa sa ibang lugar? Tiyak na hindi lamang mga mamamatay tao ang gumagala sa nasabing lugar kundi mga drug pusher, snatcher, holdaper at iba pa. May katwirang matakot ang mga magulang habang nasa school ang kanilang mga anak.