NAGING patok noong pagpasok ng 2000 ang pagkakaroon ng cell phone ng mga tao sa ating bansa. Mula noon, kaliwa’t kanan ang makikita mong may hawak at gumagamit ng cell phones sa kung saan saang lugar.
Ang ilan, hindi pa nakukuntento sa isang cell phone at kung minsan ay animo’y ginawa nang koleksiyon ang pagkakaroon nito. Subalit sabay sa pag-unlad ng mundo ng teknolohiya at merkado ng mga hi-tech na gadgets sa bansa, maging ang bilang ng mga krimen ang mga ito ang dahilan o pinupuntirya ay mabilis ding umakyat.
GSM o “Galing Sa Magnanakaw” ang tawag sa mga cell phones na hinihinalang mula sa mga dorobo at kawatan ng lansangan.
Isang text message ang natanggap ng BITAG mula sa isang tipster na isinusumbong ang nalalaman niyang bagsakan ng mga nakaw na cell phone sa Kamaynilaan. Makailang-ulit nang naging laman ng balita sa mga pahayagan, telebisyon at radyo ang lantarang bentahan ng mga hinihinalang nakaw na cell phone ng mga vendor sa Litex Market, sa Commonwealth Ave. Quezon City.
Kilos prontong nagpadala ang grupo ng mga BITAG undercover upang kumpirmahin ang sumbong na ito. Pagdating sa Litex, nagkalat sa bangketa ang mga nakalatag na segunda manong cell phones.
Hindi nagtagal, mismong mga vendor na ang lumalapit sa aming undercover para alukin ito sa napakamurang halaga ng inilalako nilang mga segunda manong cell phone. Subalit nang tanungin ang pinanggalingan ng mga segunda manong cell phone, todo-iwas ang mga vendor at walang maisagot maging kung nasaan ang kanilang puwesto.
Ang siste, kung walang magustuhan ang kostumer sa inaalok niyang mga telepono, kokontratahin ka nito sa pamamagitan ng pag-alam sa kung anong unit ng cell phone ang nais mo at kung magkano ang budget mo para rito.
Kapag nagkasundo na sa presyo at uri ng cell phone na hinihingi, magbilang lamang ng ilang araw, at siguradong mayroon na sila nito.
Nakapagtataka na kahit ilang ulit nang tinawagan ng pansin ang mga kinauukulang kinasasakupan ng bahaging ito sa Commonwealth Ave. hanggang sa kasalukuyan, naipagpapatuloy pa rin ang lantarang pagbebenta ng mga hinihinalang nakaw na cell phone sa lugar.
Tandaan, hangga’t may mga lugar tulad nito sa ating mga lungsod, na maaaring bagsakan at paglakuan ng mga nakaw na gamit, hindi rin matitigil ang mga krimen ng pagnanakaw sa bansa.